Kinumpirma ng defense lawyer na si Nicholas Kaufman nitong Linggo na ipinakilala na kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang bagong legal counsel noong nakaraang araw.
Ayon kay Kaufman, hiniling umano ng Registry ng International Criminal Court noong Biyernes ang kanyang pahintulot para sa “acquaintance visit” o pagpapakilala ng papalit na abogado kay Duterte, at wala naman siyang naging pagtutol dito bilang bahagi ng kanyang propesyonal at etikal na obligasyon.
Ibinunyag din ni Kaufman na sina Veronica “Kitty” Duterte at common-law wife ni Duterte na si Cielito “Honeylet” Avanceña ang pumili ng bagong abogado ng dating pangulo.
Ayon sa kanya, ipinaalam umano ni Kitty na napili na nila ng kanyang ina ang bagong counsel ni Duterte at hiniling sa kanya na umatras na sa kaso matapos nilang makipagkasundo sa papalit na abogado na handang agad akuin ang representasyon ng dating pangulo.
Matapos umano niyang makumpirma ito sa bagong abogado, humingi siya ng pahintulot kay Duterte upang pormal na umatras bilang counsel nito.
Sa ngayon, hindi pa inilalantad ng kampo ni Duterte ang pagkakakilanlan ng bagong abogado.
Nauna nang naghain si Kaufman ng pormal na kahilingan upang umatras bilang abogado ni Duterte, dahil umano sa pagtatapos ng kanilang isang taong engagement at sa desisyon ng dating pangulo na muling ayusin ang kanyang legal team bago ang paglilitis.
Tiniyak din ni Kaufman na ang kanyang kapalit ay “handa, may kakayahan, at nakapaghanda na” upang agad na akuin ang kaso, kabilang ang pagdalo sa status conference na itinakda sa Mayo 27, 2026.
Samantala, pinayagan din ng korte si Associate Counsel Dov Jacobs na umatras mula sa defense team ni Duterte.










