Sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Martes na isa sa mga dahilan kung bakit siya muling nagpakita at bumalik sa trabaho matapos ang ilang buwang pagtatago ay dahil sa hiya nito sa publiko.
Ayon kay dela Rosa, marami umanong mahahalagang usapin sa Senado na nangangailangan ng kanyang presensya, kabilang ang pagbabago sa liderato ng Senado at ang nakaambang pag-upo nito bilang impeachment court sakaling maipadala ang articles of impeachment.
Bukod dito, sinabi ng senador na naapektuhan siya ng mga puna ng publiko na tumatanggap umano siya ng sweldo kahit hindi nagpapakita at hindi nagtatrabaho.
Giit niya, hindi umano niya ugali ang tumanggap ng bayad nang walang katapat na serbisyo kaya nagpasya siyang bumalik sa trabaho.
Nagsimula siyang hindi magpakita sa publiko anim na buwan noong sinabi ni Ombudsman Crispin Jesus Remulla na umanong may warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya kaugnay ng madugong kampanya nito kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Si dela Rosa kasi ang nagsilbing hepe ng Philippine National Police noon sa kasagsagan ng drug war campaign.
Kalaunan ay kinumpirma rin ng ICC na may inilabas ngang warrant of arrest laban sa senador noong Nobyembre 6, 2025.
Inamin naman ni dela Rosa na nagtago siya matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa naturang warrant dahil nanganganib umano ang kanyang kalayaan.
Sa kasalukuyan, nasa protective custody siya ng Senado habang hinihintay ang magiging desisyon ng Supreme Court kaugnay ng mga petisyong kanilang inihain.










