Inihahanda na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang humigit-kumulang 200,000 job opportunities sa iba’t ibang bansa para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na na-repatriate pabalik ng Pilipinas.

Ayon kay Migrant Workers Secretary na si Hans Leo Cacdac, layunin ng pamahalaan na agad matulungan ang mga OFW na naapektuhan ng iba’t ibang krisis sa ibang bansa sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng panibagong oportunidad sa trabaho.

Ipinaliwanag ni Cacdac na kasalukuyang isinasagawa ng DMW ang masusing pagtutugma o “skills matching” upang matiyak na ang mga repatriated OFWs ay mailalagay sa mga trabahong angkop sa kanilang kakayahan, karanasan, at propesyon.

--Ads--

Dagdag pa niya, ang mga nakahandang trabaho ay mula sa iba’t ibang sektor tulad ng healthcare, construction, hospitality, at iba pang industriya na may mataas na pangangailangan ng skilled workers sa ibang bansa.

Bukod sa job matching, tiniyak din ng DMW na may mga karagdagang programa para sa mga OFW, kabilang ang skills training, counseling, at iba pang reintegration services upang matulungan silang makabangon at makapagsimulang muli.

Patuloy namang hinihikayat ng ahensya ang mga repatriated OFWs na makipag-ugnayan sa DMW upang malaman ang mga available na oportunidad at serbisyong maaaring makatulong sa kanilang pagbabalik-trabaho.