Mas pinaigting ang mga hakbang laban sa pagbaha sa San Jacinto, Pangasinan sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at Department of Public Works and Highways, kasunod ng pagbisita ni Undersecretary Charles T. Calima Jr. upang personal na masuri ang kalagayan sa lugar.
Naging mahalaga ang inisyatibo ni Municipal Councilor Atty. Apples E. Abarcar sa pakikipag-ugnayan sa DPWH upang maiparating ang mga pangangailangan ng mga barangay, partikular sa mga suliranin sa pagbaha, baradong daluyan ng tubig at accessibility.
Ayon kay Abarcar, kabilang ang San Jacinto sa mga napiling pilot areas na bibisitahin ng DPWH, kung saan agad na inihanda ng lokal na pamahalaan ang mga resolusyon at kahilingan mula sa mga barangay. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga barangay at ng pamahalaang bayan upang epektibong maipatupad ang mga solusyon bago sumapit ang tag-ulan.
Ibinahagi naman ni Mayor Leo De Vera na malaking tulong ang pagbisita ng DPWH upang makita ang matagal nang problemang pagbaha sa kanilang bayan. Bagama’t wala pang nakalaang pondo para sa 2026, umaasa ang lokal na pamahalaan na maisasama ito sa pondo para sa 2027. Sa ngayon, nakatuon ang kanilang plano sa pakikipagtulungan sa mga barangay para sa mas maayos na waste management at paglilinis ng mga creek at drainage system.
Ayon kay Calima, nakita ng DPWH ang agarang pangangailangan na kumilos upang mabawasan ang epekto ng pagbaha sa lugar. Kabilang sa mga planong hakbang ang dredging, desilting at clearing ng mga drainage canal upang mapabilis ang daloy ng tubig lalo na sa panahon ng malalakas na ulan.
Dagdag pa niya, ang Oplan Kontra Baha ay nangangailangan ng sama-samang aksyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, pribadong sektor at ng komunidad. Isasagawa rin ang isang inter-agency workshop upang makabuo ng komprehensibong plano para sa lugar.
Target ng programa na maramdaman ang epekto ng mga pansamantalang hakbang bago matapos ang Hunyo upang kahit hindi tuluyang maiwasan ang pagbaha, ay mapabilis ang paghupa ng tubig at mabawasan ang pinsala sa komunidad.
Patuloy namang hinihikayat ang publiko na makiisa sa wastong pagtatapon ng basura at pangangalaga sa kapaligiran upang maging epektibo ang mga hakbang laban sa pagbaha sa San Jacinto.










