Dagupan City – Isinasagawa na ng National Irrigation Administration (NIA) Region 1 ang iba’t ibang estratehiya at mitigasyon laban sa El Niño para tugunan ang banta ng kakulangan sa patubig sa mga sakahan ng rehiyon.
Sa isang panayam, inilahad ni Engr. Geffrey Catulin, Acting Regional Manager ng NIA Region 1, na matagumpay nang na-irrigate ang nasa 115,000 ektarya na program area para sa unang dry crop ngayong taon, na nagdulot ng kabuuang 116,000 ektarya ng irrigated area sa buong rehiyon.
Saad niya na nasa 109,000 na ang ektarya na nakakapagharvest na ng palay at inaantay na lamang ang nasa 7,000 ektarya na makakaharvest ngayong katapusan ng Mayo.
Para sa ikalawang dry crop o tinatawag na double cropping dahil sa pag-adjust ng cropping calendar, mayroong halos 19,600 ektarya na program area na dagdag na papatubigan ng ahensya.
Dahil sa posibilidad ng El Niño, binigyang-diin ni Engr. Catulin na nakatutok ang mga gawain ng NIA sa pagpapanatili at pagpapalawak ng suplay ng tubig mula sa mga dam.
Kabilang dito ang pagde-desilt sa upstream portion ng mga dam para makapag-ipon ng mas maraming tubig para sa ikalawang dry crop at sa wet crop na magsisisimula sa Hunyo.
Kabilang sa iba pang mitigasyon na ipinapatupad ay ang paglilinis at pagde-desilt ng mga kanal para maayos ang daloy ng tubig, pati na rin ang “Alternate Wetting and Drying” (AWD) na pamamaraan kung saan sapat lang ang tubig na ibinibigay sa mga palayan.
Kung kinakailangan, ipinatutupad din nila ang “rotational water delivery” kung saan inuuna ang mga sakahan sa dulo ng sistema bago paunti-unting mapunta sa upstream portion.
Para sa mga lugar na hindi na maabot ng patubig, ipinapatupad naman ang “crop diversification” kung saan hinihikayat ang mga magsasaka na magtanim ng mga high-value crops na hindi nangangailangan ng maraming tubig.
Kasama rin sa mga hakbang ang pagtatayo ng mga solar pump na kumukuha ng tubig mula sa deep well o ground water, na ipinapatupad din sa buong bansa.
Ayon sa kanya, mayroon namang tubig sa lahat ng dam sa apat na probinsya ng Rehiyon 1, ngunit kitang-kita na ang epekto ng climate change dahil hindi ito sapat para sa lahat ng sakahan.
Dahil dito, naglalaan ang NIA ng mga gawain para maayos na maipamahagi ang available na tubig sa mga ilog at mga kanal.










