Dagupan City – Mas pinaigting pa ng Pangasinan Public Employment Service Office (PESO) ang kanilang mga programa at serbisyo upang mas mailapit sa mga mamamayan ang iba’t ibang oportunidad sa trabaho at kabuhayan.
Ibinahagi ni Wilfreda Vicente, Labor Employment Officer III ng Pangasinan PESO, na kabilang sa pangunahing layunin ng kanilang tanggapan ang mapadali ang paghahanap ng trabaho ng mga aplikante sa pamamagitan ng regular na pagsasagawa ng job fair at job fair caravan sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.
Sa ilalim ng job fair caravan, mismong ang PESO na ang lumalapit sa mga munisipalidad na humihiling ng recruitment activities upang hindi na kinakailangang bumiyahe pa nang malayo ang mga aplikante at gumastos ng malaking pamasahe.
Bukod dito, patuloy ding ipinapatupad ng tanggapan ang Special Program for Employment of Students o SPES na naglalayong mabigyan ng pansamantalang trabaho ang mga deserving students upang magkaroon sila ng karagdagang suportang pinansyal para sa kanilang pag-aaral.
Kasama rin sa mga programang nakalaan para sa mga manggagawa ang Government Internship Program (GIP) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD. Ayon sa PESO, ang mga ito ay nagsisilbing short-term employment para sa mga displaced workers habang hinihintay ang paglalaan ng mga bagong slot mula sa pamahalaan.
Matagumpay namang naisagawa kamakailan ang Labor Day Job Fair noong Mayo 1 kung saan maraming aplikante ang nabigyan ng pagkakataong makahanap ng trabaho at makapanayam ng iba’t ibang employer.
Magkakaroon din ng hiwalay na recruitment activity para sa mga graduating students kung saan inimbitahan ang 10 lokal na kumpanya kasama ang mga one-stop shop government agencies gaya ng Social Security System, PhilHealth, at Pag-IBIG Fund upang magbigay ng mga kinakailangang serbisyo at impormasyon sa mga aplikante.
Samantala, itinakda naman sa Hunyo 4 ang regular na job fair na gaganapin sa multipurpose hall ng tanggapan. Hinikayat ng PESO ang publiko na bantayan ang kanilang official Facebook page para sa schedule at iba pang recruitment announcements.
Ayon pa kay Vicente, patuloy rin ang pagsasagawa ng local recruitment activity at special recruitment activity ng mga lokal at overseas recruitment agencies para sa iba’t ibang trabaho.
Kabilang sa mga kasalukuyang in-demand ang healthcare workers partikular ang mga nurse, skilled workers, solar panel installers, at production operators para sa manufacturing companies. Patuloy rin umano ang hiring ng Sumi North Wiring Systems
at iba pang accredited agencies na may mga kliyente sa Pampanga at Batangas.
Upang mas mapaghandaan ng mga aplikante ang kanilang pag-aapply, nagsasagawa rin ang PESO ng Career Development Support Program kung saan binibigyan ang mga job seeker ng career coaching at mga payo kung paano haharap sa job interview, paggawa ng resume, at wastong asal sa pag-aapply ng trabaho.
Naniniwala ang tanggapan na sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na employment programs at recruitment activities ay mas maraming Pangasinense ang magkakaroon ng pagkakataong makahanap ng disenteng trabaho at mas mapabuti ang kanilang kabuhayan.










