Nagbabala ang labor group na Workers for People’s Liberation na posibleng lalo pang lumala ang unemployment at inflation sa bansa kasunod ng pagtaas sa 5% ng unemployment rate sa mga nakalipas na buwan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Primo Amparo, sinabi nitong malaking epekto ng tumataas na presyo ng langis at cost of living ang nararanasan ngayon ng mga manggagawa, partikular sa sektor ng pangingisda at transportasyon.

Ayon kay Amparo, kabilang sa pinakaapektado ng oil price hike ang mga mangingisda gayundin ang mga jeepney at tricycle drivers dahil direktang nakaasa sa produktong petrolyo ang kanilang kabuhayan.

--Ads--

Dagdag pa niya, maging ang manufacturing sector ay nagsisimula na ring maapektuhan dahil humihina umano ang kakayahan ng mga mamamayan na bumili ng produkto.

Iginiit din ng labor leader na hindi sapat ang mga job fair bilang tugon sa lumalawak na unemployment problem dahil nakaugat umano ang suliranin sa istruktura ng ekonomiya ng bansa.

Ayon sa kanya, nananatiling heavily reliant sa importation ang Pilipinas sa halip na palakasin ang lokal na agrikultura at manufacturing industry.

Sinabi rin niya na dahil imported ang karamihan sa mga pangunahing produkto at bilihin sa bansa, hindi umano nito natutulungan ang pangmatagalang paglikha ng trabaho.

Binigyang-diin pa ni Amparo na habang tumataas ang unemployment ay lalo ring tumitindi ang inflation dahil sa pagtaas ng presyo ng mga imported na produkto.

Aniya, maraming negosyante at vendors ang napipilitang magpatong ng presyo sa imported goods ngunit hindi naman ito nakalilikha ng dagdag na trabaho sa bansa.

Samantala, pinuna rin ni Amparo ang polisiya ng pamahalaan hinggil sa enerhiya at ekonomiya. Ayon sa kanya, dapat umanong pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagpapaunlad ng lokal na energy resources tulad ng natural gas, geothermal energy, solar energy at wind energy upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported na langis.

Naniniwala si Amparo na mananatiling bulnerable ang ekonomiya ng Pilipinas sa pandaigdigang krisis hangga’t hindi naaayos ang pundasyon ng lokal na produksyon at industriya.

Idinagdag pa nito na kung napaunlad lamang umano ng gobyerno ang sariling energy industry ng bansa, hindi sana madaling maapektuhan ang Pilipinas ng mga pandaigdigang krisis tulad ng kaguluhan sa Middle East.

“They failed and they will continue to fail, habang hindi nila ina-address yung basic foundation ng economy ng ating bayan,” pagtatapos niya.