Inihayag ng National Bureau of Investigation na kanilang sisilipin ang ilang mga ‘vloggers’ na sangkot sa pangingikil makakuha lamang ng pera.

Ayon kay Bureau of Investigation Director Atty. Melvin Matibag, kanyang sinabi na titingnan ng kawanihan maging ang mga indibidwal o ‘online content creators’ na may kaparehong gawain.

“We are looking into it, we are looking into it kasi ginawa ng marami,” ani NBI Dir. Melvin Matibag

--Ads--

Ito’y kasunod sa kanilang pagkakaaresto sa online media network personality na si Franco Mabanta at iba pang mga kasama sa kasong ‘extortion’.

Batay kasi sa impormasyon, nangikil umano ang mga nabanggit kay former House Speaker Martin Romualdez, aabot sa halagang 300-milyon piso.

Ito’y kapalit o bilang kabayaran anila para hindi ilabas ng online media network ang ‘video expose’ magdidiin sa mambabatas sa isyu ng korapsyon.

Subalit matagumpay itong nabisto ng kawanihan sa ikinasang ‘entrapment operation’ kung saan mismong ang founder ng Peanut Gallery Media Network na si Mabanta ang siyang naaresto.

Sa kabila nito’y itinanggi lamang ni Franco Mabanta ang alegasyon at itinuring ‘set-up’ ang naganap na pagkakaaresto.

Iginiit pa niya na sila’y mga inosente at masasabing pag-atake umano sa ‘freedom of the press’ ang pagkakahuli sa kanila ng mga operatiba.

Ito naman ay mariing pinabulaanan ng National Bureau of Investigation nang bigyang diin nabase lamang ang operasyon sa ebidenysang nakalap.

Muling nanindigan si Dir. Matibag na wala itong kinalaman sa pulitika at lalong hindi layunin arestuhin o unahin mga kritikal sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Naniniwala si National Bureau of Investigation Dir. Matibag na dapat managot ang mga indibidwal na naninira ng reputasyon para lamang makapangolekta ng pera o di’ kaya’y mabigyan ng posisyon. // Via Bombo Grant Hilario