Opisyal nang binuksan ang ika-48 ASEAN Summit sa Lapu-Lapu City noong Biyernes, Mayo 8, na dinaluhan ng mga lider at kinatawan mula sa lahat ng miyembrong estado ng ASEAN regional bloc.

Nagpasalamat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga lider ng Timog-Silangang Asya sa kanilang presensya sa summit sa Cebu, sa kabila ng iba’t ibang hamon na kinakaharap ng kani-kanilang bansa.

Sa kanyang pambungad na pananalita, inilarawan ng Pangulo ang Cebu bilang isang makasaysayang sentro ng kalakalan at koneksyon sa rehiyon mula pa noong sinaunang panahon.

--Ads--

Ipinaalala rin niya na sa Cebu nilagdaan noong 2007 ang Cebu Declaration na naging pundasyon ng ASEAN Charter.

Ibinahagi ni Marcos ang kasalukuyang sitwasyon sa rehiyon, lalo na ang lumalalang tensyon sa Middle East na nakaaapekto sa ekonomiya at seguridad ng Timog-Silangang Asya.

Dahil dito, ipinahayag niya na napilitan ang Pilipinas na bawasan ang ilang aktibidad sa pagiging chairman ng ASEAN at ilipat ang ibang mga pulong sa virtual setup upang matugunan ang epekto ng global crisis.

Sa kabila nito, binigyang-diin ng Pangulo na magpapatuloy ang ASEAN sa pagtutulungan upang palakasin ang ekonomiya, seguridad, agrikultura, at enerhiya sa rehiyon.

Hinikayat niya ang mga miyembrong bansa na manatiling nagkakaisa, na aniya, ang lakas ng ASEAN ay hindi nagmumula sa pagkakapareho kundi sa pagkakaisa.

Tinapos ni Marcos ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng paghikayat sa mga lider na magtulungan sa paggabay sa kinabukasan ng rehiyon sa pamamagitan ng kapayapaan, kaunlaran, at people empowerment.