Dagupan City – Patuloy ang City Health Office (CHO) ng Dagupan sa pagpapatupad ng mga hakbang laban sa dengue matapos makapagtala ng mga kaso sa ilang clustering areas sa lungsod.

Ayon kay Dr. Maria Julita P. De Venecia, City Health Officer II ng Dagupan, nagsagawa ang CHO ng larvicidal application at misting sa mga apektadong lugar upang mapigilan ang pagdami ng mga lamok.

Nakipag-ugnayan din ang CHO sa mga opisyal ng barangay para sa pagsasagawa ng clean-up drive at pag-aalis ng mga posibleng pamugaran ng lamok, lalo na sa mga mataong lugar at flood-prone areas.

--Ads--

Patuloy pa rin ang interbensyon ng tanggapan sa tuwing may natutukoy na lugar na may mataas na bilang ng kaso.

Batay sa datos ng CHO, umabot sa 77 ang naitalang kaso ng dengue sa buong lungsod noong nakaraang taon. Patuloy rin ang pagbibigay ng kemikal para sa misting at paglalagay ng larvicidal sa mga stagnant water sa pakikipag-ugnayan sa mga barangay.

Pinaalalahanan ang publiko na agad magpatingin sa health center o ospital sakaling makaramdam ng mga sintomas ng dengue at panatilihing malinis ang kapaligiran upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.