Dagupan City – Natagpuan ang isang bagong silang na sanggol na nakasilid sa loob ng itim na plastik at nakabaon sa lupa sa isang maisan sa bayan ng Bayambang kamakailan.
Ayon sa paunang imbestigasyon, nagtungo sa kaniyang maisan ang isang negosyante nang mapansin nito ang mga bakas ng dugo sa lugar.
Dahil sa hinalang may naganap na hindi pangkaraniwang insidente, humingi siya ng tulong sa kaniyang mga trabahador upang siyasatin ang paligid subalit wala silang agad na nakita.
Ipinagbigay-alam niya ang insidente sa mga opisyal ng barangay na agad namang rumesponde kasama ang ilang residente.
Sa masusing paghahanap, napansin nila ang isang kahina-hinalang bunton ng damo malapit sa puno ng mangga.
Nang kanilang hukayin ang bahagi ng lupa, tumambad ang isang itim na plastik na nakabaon nang humigit-kumulang limang pulgada sa ilalim ng lupa.
Pagbukas sa plastik, nadiskubre ang isang bagong silang na sanggol na buhay pa ngunit nasa kritikal na kondisyon. Kaagad itong isinugod sa ospital para sa agarang lunas.
Gayunman, binawian din ng buhay ang sanggol habang ginagamot. Idineklara ang sanhi ng pagkamatay bilang cardiorespiratory arrest.
Sa isinagawang masinsinang imbestigasyon at intelligence operation ng mga tauhan ng himpilan, natukoy ang suspek na itinurong ina ng sanggol.
Ang suspek ay isang 32-anyos na babaeng nagtatrabaho bilang lady guard na kanila namang inaresto.










