Dagupan City – Bagama’t nananatiling ligtas sa bagong kaso ng African Swine Fever (ASF) ang Pangasinan sa kasalukuyan, patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang sa biosecurity upang mapigilan ang posibleng pagbalik ng naturang sakit sa rehiyon.
Ayon kay Dr. Alfiero Banaag, Chief ng Regulatory Division ng Department of Agriculture – Region I, ang huling kaso ng ASF sa Pangasinan ay naitala pa noong Enero 2025, at agad naman itong na-contain.
Kung kaya’t sa kasalukuyan, wala pang naitatalang bagong kaso ng ASF sa lalawigan.
Sa ilalim ng kasalukuyang protocol, kung wala nang bagong kaso ng ASF sa isang lugar, magsasagawa ng blood sampling sa mga baboy.
Ang mga sample ay ipapadala sa laboratoryo para sa pagsusuri, at kung mag-negatibo ang mga resulta, isang opisyal na ulat ang ihahanda at ie-endorso sa Lokal na pamahalaan, provincial government, at regional office bilang basehan para sa rehabilitasyon ng industriya sa lugar.
Batay naman sa obserbasyon ng DA Region I, mas tumataas ang panganib ng ASF tuwing tag-ulan.
Sa kabila nito, wala pang opisyal na national guidelines para sa pagbibigay ng tulong sa mga apektadong hog raisers, at hindi pa rin buo ang tiwala ng ilan sa bisa ng ASF vaccine na kasalukuyang nasa pilot-testing phase pa lamang sa ilang rehiyon.
Isa naman sa binigyang diin Banaag sa mga pangunahing dahilan ng pagkalat ng ASF ay ang mahinang resistensya ng mga alagang baboy.
Ayon sa DA, ang mga baboy na stress o may mahinang kalusugan ay mas madaling dapuan ng sakit gaya ng ASF. Kaya naman mariing paalala ng ahensya sa mga hog raiser ang pagpapatupad ng mahigpit na kalinisan sa bakuran at mga kulungan.