Dagupan City – Inihayag ng Social Security System o SSS Dagupan Branch na nananatiling alternatibong iniaalok sa mga kwalipikadong miyembro ang Emergency Loan Assistance sa mga apektado ng nagdaang bagyo at kalamidad.

Ayon kay Jocelyn Lim, Assistant Manager ng SSS Dagupan Branch, wala pa umanong inilalabas na guidelines para sa calamity loan, ngunit tuloy-tuloy naman ang kanilang Emergency Loan Program na maaari ring makatulong sa mga miyembrong nangangailangan ng karagdagang pondo.

Aniya na umaabot sa hanggang 20,000 pesos ang maaaring mahiram sa ilalim ng emergency loan, na may 7% na interest rate kada taon at maaaring bayaran sa loob ng 30 buwan.

--Ads--

Kabilang sa mga pangunahing kwalipikasyon ang pagkakaroon ng hindi bababa sa 18 buwan na posted monthly contributions, pagiging wala pang 65 taong gulang, pagkakaroon ng My.SSS account, at pagkaka-upload ng proof of account o rehistradong bank account kung saan ide-deposito ang loan proceeds.

Paalala naman ni Lim, online na ang aplikasyon para sa mga SSS loan, kaya hindi na kailangang pumunta sa branch para mag-file.

Mahalaga lamang na updated ang contact information ng miyembro, partikular ang aktibong mobile number, dahil kinakailangan ang One-Time PIN o OTP para sa security verification.

Kapag naaprubahan ang loan, sinabi ni Lim na maaari itong ma-release sa registered bank account sa loob ng 24 oras, bagama’t batay sa karanasan ng ilang miyembro, umaabot sa 3 hanggang 5 araw bago aktuwal na matanggap ang pera, depende rin sa bangko.

Samantala, sinabi ni Lim na naapektuhan din ng matagal na pagbaha dulot ng Habagat ang pagpunta ng mga miyembro sa kanilang tanggapan.

Bagama’t nagbukas na ang kanilang opisina noong nakaraang linggo, kakaunti pa umano ang nakakapunta noon dahil sa hirap ng biyahe.

Saad niya na ngayon ay unti-unti nang bumubuti ang panahon at humuhupa ang pagbaha, mas marami na ang muling nagtutungo sa branch.

Gayunman, nilinaw ni Lim na hindi na tumatanggap ng over-the-counter transactions para sa karamihan ng loan at benefit applications ang SSS Dagupan.