Umaasa ang House prosecution team na matatapos sa lalong madaling panahon ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, at posibleng bago sumapit ang Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay dating Rep. Ace Barbers, tagapagsalita ng House prosecution team, maaaring matapos sa loob ng 12 araw ang paglalahad ng ebidensya ng depensa kung magtatanghal ito ng tig-dalawang testigo bawat araw mula sa 24 na inihain nitong mga saksi para sa Article II ng impeachment complaint.
Dahil dito, naniniwala si Barbers na posibleng matapos ang paglalahad ng mga ebidensya bago ang holiday season.
Binigyang-diin naman ni Barbers na iginagalang ng prosekusyon ang karapatan ni Duterte sa due process, alinsunod sa itinakda ng Konstitusyon.
Gayunman, sinabi niyang kapag nabigyan na ng sapat na pagkakataon ang depensa na sagutin ang mga ebidensya ng prosekusyon, wala nang dahilan upang pahabain pa ang proseso.
Ibinahagi rin ni Barbers na kapareho nila ng pananaw si presiding officer Chiz Escudero, na umaasang matatapos ang impeachment trial bago ang Pasko at Bagong Taon.










