Ipinaliwanag ng isang cybersecurity specialist na hindi nangangahulugang na-hack ang mga e-wallet platform kapag nakaranas ng pagkaantala sa mga transaksiyon, kundi maaari itong dulot ng mataas na dami ng gumagamit at transfer requests na hindi agad kayang iproseso ng kanilang mga system.

Ayon kay Tzar Umang, Cybersecurity Specialist, karaniwang tumataas ang volume ng mga transaksiyon tuwing holiday season, dahilan upang magkaroon ng system congestion at floating transactions o mga transaksiyong nabawasan na sa ipinadalang e-wallet o bank account ngunit hindi pa naipo-post sa account ng tatanggap.

Ipinaliwanag ni Umang na sa ganitong sitwasyon, maaaring pumasok pa rin sa account ng tatanggap ang pera kapag naipagpatuloy ng system ang pagproseso.

Gayunman, kung hindi makumpleto ang transaksiyon, ibinabalik ito sa pinagmulan nitong account matapos ang reconciliation process.

Karaniwang naibabalik umano ang pera sa loob ng 24 oras para sa ilang e-wallet transactions, bagama’t maaari itong umabot ng 48 hanggang 72 oras depende sa kinakailangang beripikasyon.

Pinayuhan din niya ang mga gumagamit ng digital payment platforms na huwag agad ulitin ang transfer kapag hindi ito nag-reflect upang maiwasan ang dobleng pagpapadala ng pera.

Inaasahan naman aniya na posibleng maulit ang ganitong aberya sa papalapit na Pasko at Bagong Taon dahil sa inaasahang pagdami ng digital transactions.

Dahil dito, inirerekomenda niyang planuhin nang mas maaga ang paglilipat ng pera at maghanda ng sapat na cash para sa mga kinakailangang gastusin sakaling magkaroon ng system downtime.

--Ads--