Nagpaabot ng pasasalamat si Dagupan City Mayor Belen T. Fernandez kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Department of Education Secretary Sonny Angara sa pagbibigay-pansin sa mga pangangailangan ng mga guro at paaralan sa lungsod.
Partikular na pinasalamatan ng alkalde ang pagkakaloob ng 209 MacBook na magagamit ng mga guro sa kanilang trabaho. Ayon kay Fernandez, hindi lahat ng guro ay may sariling computer kaya malaking tulong ang mga kagamitang ito upang mas mapagaan ang kanilang mga gawain.
Ikinatuwa rin niya ang pagbibigay ng oportunidad sa humigit-kumulang 5,100 guro na ma-promote, kabilang ang mga matagal nang naghihintay ng pagkakataong umangat sa kanilang posisyon.
Bukod sa mga kagamitang ipinagkaloob sa mga guro, kinilala rin ni Fernandez ang iba pang proyektong naitulong ni Secretary Angara sa Dagupan City. Kabilang dito ang isang gymnasium na naibigay noong senador pa si Angara, gayundin ang isang school building na kasalukuyang nasa proseso ng bidding at may kasama pang mga mesa at upuan.
Ayon sa alkalde, malaking bagay ang mga proyektong ito dahil direktang tumutugon ang mga ito sa pangangailangan ng mga paaralan at mga mag-aaral sa lungsod.
Sinabi rin ni Fernandez na maayos ang ugnayan ng lokal na pamahalaan at ng DepEd sa pagtukoy sa mga pangangailangan ng sektor ng edukasyon. Sa pamamagitan ng PTA Summit, nakukuha ng lungsod ang mga suhestiyon at kahilingan ng mga magulang at guro, kabilang ang pagtatayo ng school buildings, site development at pagpapatayo ng mga bakod sa paaralan.
Hindi lamang mga magulang at guro ang kinokonsulta ng lokal na pamahalaan dahil pinalawak na rin umano nila ang pakikipag-ugnayan sa mga organisasyon ng mga mag-aaral upang malaman ang kanilang mga pangangailangan at kung anong tulong ang maaaring ibigay ng lungsod.
Sa kabuuan, binigyang-diin ni Mayor Belen T. Fernandez ang kahalagahan ng pagtutulungan ng national government, lokal na pamahalaan at mga paaralan upang mas matugunan ang pangangailangan ng sektor ng edukasyon.
Tiniyak din ng alkalde na patuloy na pakikinggan ng lungsod ang mga suhestiyon ng mga guro, magulang at mismong mga mag-aaral upang matukoy ang mga proyektong makatutulong sa pagpapabuti ng mga pasilidad at sa pagpapagaan ng trabaho ng mga guro sa Dagupan City.










