Inaprubahan na ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan ang panukalang taunang badyet ng pamahalaang panlalawigan para sa taong 2027 na nagkakahalaga ng 9.329 bilyong piso.

Mas mataas ito kumpara sa P8.3 bilyon budget ngayong 2026, o katumbas ng mahigit isang bilyong pisong dagdag na pondo para sa susunod na taon.

Ayon kay Vice Governor Mark Ronald Lambino, presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan, pangunahing dahilan ng pagtaas ng badyet ang paglaki ng tax allocation na nagmumula sa national government, gayundin ang pagtaas ng lokal na kita ng lalawigan mula sa buwis sa quarry operations.

--Ads--

Wala naman umanong malaking pagbabago sa kabuuang balangkas ng badyet kumpara sa naunang panukala.

Sa isinagawang budget hearing, ilang paglilinaw lamang ang hiningi ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, partikular sa nakalaang pondo para sa edukasyon, agrikultura at paghahanda ng lalawigan sa inaasahang epekto ng El Niño.

Inaasahang magsisilbing pondo ang naaprubahang badyet para sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa, proyekto at serbisyo ng pamahalaang panlalawigan sa buong Pangasinan sa susunod na taon.