Pinag-aaralan ng Pamana Water Dagupan City ang posibleng pagtaas ng singil sa tubig sa mga darating na panahon kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, mga kagamitan, at iba pang operational expenses.
Ayon kay Glenn Gomez, Branch Manager ng Pamana Water Dagupan City, bagama’t wala pang direktang taas-singil sa kasalukuyan, hindi na aniya maiiwasan ang pagbabago sa water rates sa hinaharap upang mapanatili ang tuloy-tuloy at de-kalidad na serbisyo.
Kabilang din sa nilinaw ng Pamana Water ang hinggil sa mga reklamo ng ilang consumer ukol sa biglaang pagtaas ng kanilang buwanang water bill.
Paliwanag ni Gomez, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na karamihan sa mga kasong ito ay sanhi ng hidden leaks o pagtagas ng tubig sa mga linya sa loob ng bahay o after the meter.
Karaniwang nagmumula ang tagas sa mga sirang water closet sa palikuran o kaya’y sa mga lumang galvanized iron (GI) pipes na kinalawang na.
Saad niya na upang malaman kung may leak, pinapayuhan ang mga consumer na isara ang lahat ng gripo sa bahay at tingnan ang metro sa labas.
Kapag umiikot pa rin ang metro kahit walang gumagamit ng tubig, senyales ito na may tagas sa linya at kinakailangan na itong ipasuri agad upang maiwasan ang paglobo ng bill.
Samantala, ukol naman sa polisya sa disconnection, nagpaalala ang pamunuan na nagbibigay sila ng sapat na konsiderasyon bago pumutol ng serbisyo.
Saad nito na walang napuputol sa unang buwan ng hindi pagbabayad habang sa pangalawang buwan ay nagpapadala na ng notice upang i-settle ang balance, at kung sa final notice ay posible nang ipatupad ang disconnection kapag umabot na sa tatlong buwang palugit.
Dahil dito, Hinimok ni Gomez ang mga consumer na subaybayan ang kanilang opisyal na social media account para sa mga paalala sa due dates at oryentasyon sa tamang pagtutok ng water service connection.










