Nagpasalamat si Pangasinan Governor Ramon Guico III kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara sa pagbibigay-pansin sa kapakanan at career advancement ng mga guro sa lalawigan.

Kasabay nito, pormal ding kinilala ni Guico ang mga bagong na-promote na guro at school officials mula sa iba’t ibang Schools Division Office sa Pangasinan.

Binigyang-pugay ng gobernador ang kanilang dedikasyon, pagsisikap at patuloy na paglilingkod sa sektor ng edukasyon.

--Ads--

Ayon kay Guico, ang promosyon ay hindi lamang pagkilala sa kanilang mga nagawa kundi pagkakataon din upang higit pang maibahagi ang kanilang kaalaman at kakayahan sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon.

Mahalaga rin aniya ang papel ng mga guro sa paggabay sa mga mag-aaral upang maging responsableng mamamayan at mga susunod na lider ng bansa.

Binigyang-diin din ng gobernador na ang pamumuhunan sa mga tagapagturo ay mahalagang hakbang para sa kinabukasan ng mga mag-aaral at ng buong bansa.

Hinimok naman niya ang mga na-promote na guro na ipagpatuloy ang kanilang paglilingkod nang may katapatan at malinaw na layunin.

Matatandaang pinangunahan nina Pangulong Marcos Jr. at Education Secretary Angara ang mass oath-taking ng 5,445 education personnel sa Pangasinan kahapon, bilang bahagi ng pagsusulong ng career advancement para sa mga guro at pagpapalakas ng mental health support para sa mga mag-aaral.