Dagupan City – Mga kabombo! Tampok na ngayon ang artificial intelligence (AI) system bilang bagong katulong sa trabaho.
Ngunit paano kung ginamit ito para tumukoy na ng isang krimen?
Sa isang ulat kasi kamakailan sa Russia. Tila ba napagbintangan umano ng AI ang isang lalaki na isang kriminal.
Lumalabas kasi na kahit na maraming ebidensya na nagpapatunay na inosente ang hydrologist na si Alexander Tsvetkov mula sa Russia, mas pinili pa rin ng mga awtoridad na arestuhin siya dahil sa kanilang artificial intelligence (AI) system na nagtuturo sa scientist bilang murderer.
Ayon sa ulat, nakasakay na sa eroplano ang biktimang kinilalang si Alexander nang bigla siyang pababain ng mga opisyal.
Dito ipinaalam sa kanya na natukoy siya bilang suspek sa nangyaring pamamasalang, mahigit 20 taon na ang nakalilipas. Hanggang sa idiniin na ng investigators na pumaslang si Alexander at ang kasabwat nito ng apat na indibidwal sa Moscow noong August 2, 2002.
Marami sa mga kasamahang scientist ni Alexander sa Russian Academy of Sciences Institute of Inland Water Biology ang tumestigo at sinabing malayo siya sa pinangyarihan ng krimen nang maganap ang pagpatay.
Kinumpirma rin ng research institute na nasa business trips sa Vologda at Kostroma si Alexander ng mga panahong iyon, ngunit ipinagsawalang-bahala ito ng mga awtoridad.
Ayon sa mga awtoridad, nag-match ng 55% ang mukha ng scientist sa sketch ng suspek na iginuhit ng isang witness mahigit dalawang dekada ang nakararaan, kung kaya’t, ikinulong si Alexander.
Mabilis na kumalat sa Russia ang balita. Maraming nanawagan sa kanyang paglaya; maging ang kanilang presidente na si Vladimir Putin ay nangialam na sa kaso. Hanggang sa makalipas ng 10 buwang pagkakakulong, pinalaya rin si Alexander.
Binigyang diin ni Putin na epektibo man ang AI sa iba’t ibang larangan, kailangan pa ring pag-aralan ang mga pagkukulang at pagkakamali nito.