Dagupan City – Mistulang katatwa para sa actress na si Sanya Lopez ang hindi mamatay-matay na isyung, diumano, hiwalay na ang nakatatanda niyang kapatid na si Jak Roberto at long-time girlfriend nitong si Barbie Forteza.

Makailang beses na rin kasing naisyu ang relasyon nina Barbie at Jak o JakBie, lalo na nang magkaroon ng ka-loveteam si Barbie sa katauhan ni David Licauco.

Matatandaang nagsimula ito nang kahumalingan ng publiko ang tambalan nina Barbie at David, o mas kilala ngayon bilang BarDa, nang magkapareha sila sa Maria Clara at Ibarra, ang defunct top-rating primetime series.

--Ads--

Simula nito ay naging sunud-sunod na ang mga proyekto nilang magkasama, kabilang na rito ang defunct limited series na Maging Sino Ka Man at ang upcoming movie nilang That Kind of Love at teleseryeng Pulang Araw.

Dahil sa mas madalas nilang pagsasama, may ilang espekulasyon ang lumutang na si Barbie ay hiwalay na kay Jak. Bagay na paulit-ulit naman nang sinasagot ni Barbie na masaya sila ni Jak at maayos ang kanilang pagsasama.

Kung tutuusin, natutuwa raw si Sanya sa relasyon ng dalawa dahil nakikita niya kung paano magtulungan ang dalawa na palaguin ang kanilang magkahiwalay na karera.

Samantala, sa hiwalay na Instagram post ni Jak ay ibinahagi niya ang kanyang nararamdaman. Hindi raw siya makapaniwalang pitong taon na ang itinatagal ng relasyon nila ni Barbie. Pakiramdam daw kasi ay unang anibersaryo lamang nila dahil walang pagbabago si Barbie sa ugali nito mula noon hanggang ngayon.