Inilunsad sa Dagupan City National High School ang pamamahagi ng 209 na Apple MacBook Neo units para sa 10 pampublikong paaralan sa Lungsod, bilang panimula ng malawakang distribusyon ng mahigit 231,000 laptops para sa mga guro sa buong bansa sa pangunguna nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara, kung saan napili ang Dagupan bilang kauna-unahang lugar sa buong Pilipinas na pagdausan ng distribusyon.
Nagagalak ang mga guro sa Dagupan City sa pagtanggap ng MacBook mula sa Department of Education, at isa si Teacher Liezelle sa mga tumanggap na nagsabing malaking tulong ito sa kanilang pagtuturo dahil hindi na nila kailangang gumamit ng sariling laptop, magagamit din ito sa paggawa ng mga lesson at sa paglalapat ng ICT sa kanilang mga klase, at handa silang pag-aralan ang bagong kagamitan kahit iba ito sa dati nilang nakasanayan.
Ayon naman kay Dr. Marciano U. Soriano, OIC Schools Division Superintendent ng Dagupan City, 209 na guro mula sa sampung paaralan ang makikinabang sa unang batch, kung saan prayoridad ang mga guro na in-charge sa IT at gumagawa ng mga report, at nakadepende sa school head ang pagpili ng benepisyaryo, at binigyang-diin niyang malaking tulong ang laptop dahil maraming guro ang hindi kayang bumili ng sariling laptop, at magagamit ito sa paggawa ng instructional materials, Daily Lesson Plan, at sa online at asynchronous classes.
Magkakaroon din ng agarang pagsasanay para sa 20 piling guro kung paano gamitin at pangasiwaan ang Apple laptop, at inanunsyo rin ni Soriano na sa Huwebes ay ilalabas muna ang Performance-Based Bonus o PBB ng mga guro, habang sa susunod na linggo pa ang kanilang suweldo upang hindi pagsabay-sabayin ang pagbibigay nito, at sa huli ay nagpasalamat siya sa Pangulo, kay First Lady Liza Araneta-Marcos, kay Secretary Angara, at kay Regional Director Estela Cariño sa pagbibigay prayoridad sa Dagupan para sa unang pag-release ng mga laptop.
Pinangunahan nama ni President Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi sa ilalim ng Computerization Program ng Deped.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng computerization sa pagpapabuti ng pagtuturo at pagkatuto, habang nakinig at nagdokumento ang mga dumalo sa pamamagitan ng kanilang mga cellphone sa nasabing programa.









