Dagupan City – Tiniyak ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA) na nananatiling sapat ang suplay ng bangus sa lalawigan at mga karatig na lugar sa kabila ng epekto ng mataas na heat index at pabago-bagong temperatura.
Kaugnay nito, ipinaabot naman ni SAMAPA President Cristopher Aldo Sibayan ang pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan at sa Sangguniang Panlalawigan matapos siyang kilalanin bilang kinatawan ng Processors, Traders, and Market Organizations ng Fisheries Management Area (FMA) 6.
Ayon kay Sibayan, patunay ang naturang pagkilala sa dedikasyon at mga inisyatiba ng kanilang samahan upang higit pang mapaunlad at mapanatiling sustainable ang aquaculture o pag-aalaga ng isda sa Pangasinan at iba pang bahagi ng bansa.
Sinabi nito na nakikita nilang malaking hakbang ang naturang pagkilala upang mas mapalakas pa ang industriya ng pangisdaan sa lalawigan, lalo na sa gitna ng matinding epekto ng mataas na heat index sa mga fishpond at aquaculture areas.
Sa kabila nito, tiniyak ni Sibayan na nananatiling matatag ang produksyon at suplay ng bangus.
Dagdag pa niya, hindi lamang bangus ang kanilang tinututukan kundi maging ang iba pang uri ng aquaculture products upang masuportahan ang kabuhayan ng mga nasa aqua sector.
Kabilang sa mga hakbang na kanilang ipinatutupad upang mapanatili ang maayos na produksyon ay ang maagap na pag-monitor sa pagbabago ng temperatura, pagbabawas ng stockings sa palaisdaan, at paggamit ng water pumps upang mapanatili ang kalidad ng tubig.
Ayon pa kay Sibayan, mas nagiging maayos ang produksyon ng bangus kapag nagsisimula nang maranasan ang pag-ulan dahil bumabalanse ang kondisyon at supply ng tubig sa mga palaisdaan.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang kanilang samahan sa national government para sa mga programang makatutulong sa pagpapalakas at pagpapatatag ng aquaculture industry sa bansa.










