Dagupan City – Nagpaalala ang Samahan ng mga Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA) sa mga fishpond operators at bangus growers na maghanda sa mga posibleng epekto ng tag-ulan upang maiwasan ang pagkalugi at pagkamatay ng mga alagang isda.
Ayon kay SAMAPA President Cristopher Aldo Sibayan, maaaring magdulot ng pagbabago sa kalidad ng tubig ang tuloy-tuloy at malalakas na pag-ulan.
Aniya, ang pagdumi o pagbabago ng kulay ng tubig at malalakas na agos ay maaaring magdulot ng sakit sa mga isda, kabilang ang galis at iba pang karamdaman na karaniwang lumalabas sa panahon ng pagbaha.
Binigyang-diin din niya na naranasan ng industriya noong mga nakaraang taon ang matitinding pag-ulan at bagyo na nagresulta sa malaking pinsala sa mga palaisdaan, kabilang ang pagkawala ng mga fingerlings at iba pang alagang isda.
Dahil dito, hinikayat ng SAMAPA ang mga fishpond operators na magpatupad ng karagdagang pag-iingat tulad ng pagpapatibay ng mga pilapil at paglalagay ng perimeter nets upang maiwasan ang pagtakas ng mga isda kapag may pagbaha.
Aniya, hindi na katulad noon ang lawak ng mga lugar na naaabot ng baha kaya kinakailangang mas paghandaan ang mga hindi pangkaraniwang kondisyon ng panahon.
Sa kabila ng mga panganib na dulot ng tag-ulan, sinabi ni Sibayan na may positibong epekto rin ito sa aquaculture dahil nakatutulong ang ulan upang mapanatili ang tamang timpla ng alat sa tubig na mahalaga sa paglaki at mas maayos na pagkain ng mga isda.
Samantala, nagpasalamat din ang SAMAPA sa mga miyembro at tagasuporta ng organisasyon na patuloy na nakikibahagi sa mga programa at aktibidad nito.
Tiniyak ng samahan na magpapatuloy ang kanilang mga pagsisikap upang matulungan ang mga magbabangus at mapalakas hindi lamang ang industriya ng bangus kundi ang buong sektor ng aquaculture sa Pangasinan at sa bansa.










