Dagupan City – Umabot na sa halos 2.2 milyong rehistradong botante ang naitala ng Commission on Elections (Comelec) sa Pangasinan matapos ang masusing pagsusuri at beripikasyon ng mga aplikasyon para sa voter registration.
Ayon sa Comelec Pangasinan, mahigit 800,000 naman ang kabataang botante na rehistrado at inaasahang lalahok sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na idaraos sa Nobyembre 2, 2026.
Ayon sa opisina, lahat ng aplikasyon ay dumaan sa masusing pagsusuri sa tulong ng mga election officer mula sa anim na distrito ng lalawigan, upang tiyakin na kwalipikado ang bawat aplikante at tunay na residente ng kani-kanilang lungsod o bayan.
Bukod dito, kasalukuyan nang isinasapinal ng Comelec Pangasinan, kasama ang mga kawani mula sa Comelec Central Office, ang Project of Precincts.
Layunin nito na itakda ang mga presintong pagbobotohan ng bawat rehistradong botante at matukoy ang eksaktong bilang ng mga gurong magsisilbing electoral board para sa nalalapit na halalan.
Binigyang-diin din ng mga opisyal ng Comelec na mahalaga ang inclusion at exclusion proceedings sa proseso, upang tiyakin na ang lahat ng nakatalang botante ay may karapatan na bumoto.
Patunay ito sa malaking partisipasyon ng mga mamamayan ng Pangasinan, na nananatiling ikatlo sa mga lalawigang may pinakamaraming rehistradong botante sa buong bansa.
Kaugnay nito, nakahanda na rin ang Comelec Pangasinan sa pagbuo ng mga Electoral Board matapos ang pakikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd).
Kasalukuyan nang kinokolekta ang listahan ng mga gurong magsisilbi sa araw ng halalan, at inaasahang maisasagawa na ang kanilang pagtatalaga sa mga presinto sa mga susunod na buwan.
Tiniyak naman ng Comelec na patuloy silang naghahanda upang maging maayos at organisado ang pagdaraos ng BSKE 2026 sa lalawigan.










