Dagupan City – Tinalakay ni Dr. Elbert Galas, PSU President, ang iba’t ibang hakbang ng Pangasinan State University upang mapanatili ang kalidad ng edukasyon at kapakanan ng mga guro at estudyante ng unibersidad.

Ayon kay Dr. Galas, binibigyan ng 70-day vacation leave ang mga guro ng PSU upang mabawi ang kanilang lakas at makapagpahinga matapos ang isang academic year.

Aniya, mahalaga ito upang mas mapabuti pa ng mga guro ang kanilang serbisyo at pagtuturo sa mga estudyante.

--Ads--

Samantala, ipinaliwanag din niya na ang mga opisyal ng unibersidad na may mga administrative designation ay kinakailangang mag-report sa trabaho kahit panahon ng bakasyon kapalit ng service credits na maaari nilang magamit bilang dagdag benepisyo sa oras ng kanilang pagreretiro.

Bukod dito, sinabi rin ni Dr. Galas na ginagamit ng PSU ang panahon ng bakasyon upang lalo pang mapaunlad ang kakayahan ng mga faculty members sa pamamagitan ng iba’t ibang faculty development programs, in-house trainings, at faculty exchange programs.

Kabilang sa mga partner institutions ng PSU para sa faculty exchange ang ilang higher education institutions sa Malaysia, Thailand, Indonesia, Vietnam, Japan, China, at maging sa Estados Unidos kung saan nagpapadala ang unibersidad ng mga faculty members upang magturo at makakuha ng karagdagang kaalaman at karanasan.

Ibinahagi rin ng university president na halos tapos na ang admission process ng PSU para sa mga incoming freshmen. Ayon sa kanya, mahigpit ang ginagawang selection process ng unibersidad na kinabibilangan ng entrance examination, General Weighted Average o GWA, interview, at ranking system.

Bilang halimbawa, sinabi ni Galas na umabot sa 2,678 ang aplikante para sa BS Nursing program ngunit 80 lamang ang napiling estudyante mula rito. Aniya, layunin ng mahigpit na proseso na matiyak na ang mga matatanggap na freshmen ay tunay na kwalipikado at handa sa mga programa ng unibersidad.

Dagdag pa niya, patuloy umanong ginagawa ng administrasyon ng PSU ang lahat upang maibigay sa mga estudyante ang industry-grade facilities, maayos na infrastructure, dekalidad na curriculum, at competent teaching at non-teaching personnel upang maging handa ang mga ito sa kanilang magiging trabaho sa hinaharap.