Dagupan City – Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng kapulisan ukol sa nangyaring pamamaril sa bayan ng Alcala.
Matatandaan na nagkaroon ng pamamaril noong nakaraang Biyernes ng umaga Hunyo 13 sa kahabaan ng Alcala-Moncada Road sa Barangay San Pedro Ili.
Ikinasawi ito ng isang lalaki matapos barilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek habang sakay ng isang kulong-kulong na tricycle kasama ang isang indibidwal.
Batay sa paunang imbestigasyon, patungo sana ang mga biktima sa Barangay Bersamin upang bumili ng used oil nang maganap ang insidente.
Ayon sa ulat, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo patungong timog pagkatapos ng pamamaril.
Samantala, narekober naman ng PNP- Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang mga basyo ng bala at isang slug sa pinangyarihan ng insidente kung saan ito ay nasa pangangalaga na ng kapulisan at isasailalim sa ballistic examination.
Mariin naman itong kinondena ng Pangasinan Police Provincial Office kaya puspusan ang kanilang pagtutok at ginagawang hakbang upang matukoy at madakip ang mga salarin sa likod nito.
Dahil dito, hinihikayat ang publiko na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya kung mayroong impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon.