Dagupan City – Nagpahayag ng pagkabahala at panawagan si Charis Jowen Cadelina kaugnay ng matagal nang reklamong iniuugnay sa isang poultry farm sa bahagi ng San Fabian, na umano’y patuloy na nakaaapekto sa mga residente ng lugar.
Sa panayam, sinabi ni Cadelina na marami nang inspeksyon at proseso ang isinagawa ng mga kinauukulang ahensya sa nakalipas na mga taon, subalit nananatili pa rin ang mga katanungan ng mga residente kung ano na ang kasalukuyang estado ng usapin at kung mayroon nang malinaw na hakbang patungo sa resolusyon ng problema.
Ayon sa kanya, isa sa mga madalas na tanong ng mga mamamayan ay kung umuusad na ba ang mga napagkasunduan at natalakay sa isinagawang public hearing noong Mayo 13.
Aniya, nais malaman ng mga residente kung ano ang susunod na hakbang ng mga awtoridad at kung kailan nila mararamdaman ang konkretong resulta ng mga naging pag-uusap.
Ibinahagi rin niya na may mga residente umanong nagtatanong kung bakit mayroon pa ring nakikitang mga konstruksyon sa lugar at kung ano ang dapat nilang panghawakan habang hinihintay ang pinal na aksyon sa kanilang mga hinaing.
Nagpasalamat naman si Cadelina sa mga hakbang na ginagawa ng mga opisyal ng barangay at lokal na pamahalaan upang tugunan ang kanilang mga alalahanin. Gayunman, iginiit niya na patuloy na naghihintay ang mga residente ng malinaw na sagot at direksyon hinggil sa usapin.
Nanawagan din siya sa pamunuan ng poultry farm na pakinggan ang hinaing ng mga mamamayan. Ayon sa kanya, kinikilala nila ang ambag ng negosyo sa industriya at ekonomiya ng rehiyon, ngunit umaasa silang mabibigyan ng sapat na pansin ang mga problemang matagal nang inirereklamo ng komunidad.
Binigyang-diin pa ni Cadelina na hindi lahat ng poultry farms sa kanilang lugar ang kanilang inirereklamo. Aniya, ang kanilang hinaing ay nakatuon lamang sa isang pasilidad na sa kanilang pananaw ay may mga isyung kinakailangang agarang matugunan.
Patuloy namang hinihintay ng mga residente ang mga susunod na hakbang ng mga kinauukulang ahensya at mga opisyal kaugnay ng reklamong kanilang inihain.










