Dagupan City – Sinimulan na at kasalukuyang inaayos ng mga kinauukulang ahensya at mga paaralan sa bayan Pozorrubio, ang pagproseso ng mga kinakailangang permit at dokumento bilang mahalagang paghahanda sa darating na Brigada Eskwela 2026 bago ang opisyal na pagbubukas ng klase.
Bilang bahagi ng masusing paghahanda, nagtipon at nagpulong ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor at ahensya maging ang mga School DRRM Coordinators at mga kinatawan ng iba’t ibang Civil Society Organizations (CSO).
Kabilang sa mga permit na kanilang inaayos ay sa ahensya ng DENR para sa legal na pagputol ng kahoy.
Batay sa Department of Education, opisyal na isasagawa ang taunang Brigada Eskwela mula Hunyo 1 hanggang 5, 2026.
Ito ay bahagi ng pambansang kampanya at aktibidad ng Kagawaran upang ihanda, linisin, at pagandahin ang kapaligiran ng lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa bago magsimula ang pasukan.
Ang Brigada Eskwela ay nagsisilbing simbolo ng bayanihan, kung saan ang pamahalaan, pribadong sektor, at komunidad ay nagkakaisa para sa kapakanan at kinabukasan ng mga mag-aaral.
Layunin ng pagpupulong na pagtibayin ang maayos na koordinasyon, magtakda ng mga tungkulin, at siguruhin ang aktibong partisipasyon ng bawat tanggapan para sa tagumpay ng programa.










