Dagupan City – Umabot sa 1,135 na mga indibidwal ang nakatanggap ng libreng serbisyo para sa kanilang kalusugan sa isinagawang 2-Day Medical Mission ng lokal na pamahalaan ng Dagupan katuwang ang University of Santo Tomas Medical Missions, Inc.

Kabilang sa mga serbisyong ibinigay ay ang libreng tuli, minor surgery, ultrasound, at health education lalo na tungkol sa arthritis.

Ito ay mga serbisyong madalas na hindi kayang bayaran ng marami, ngunit ngayon ay inilalapit mismo sa komunidad

--Ads--

Sa unang araw nakapagserbisyo sila ng kabuuang 746 na indibidwal na kinabibilangan ng 500 sa libreng tuli, 146 sa libreng minor surgery, 50 para sa ultrasound at 50 indibidwal naman sa libreng konsultasyon sa arthritis at education sessions

Sa pangalawang araw naman ay umabot sa 389 na mga naserbisyuhan kung saan 283 sa libreng tuli, 80 sa free minor injury at 26 sa ultrasound service.

Ang taunang Medical Mission na ito ay bahagi ng matagal nang pangako at pagsisikap ng pamahalaang lungsod na mailapit ang dekalidad, ligtas, at abot-kayang serbisyong medikal sa bawat pamilyang Dagupeño, lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan.

Layunin nitong matugunan ang pangangailangang medikal ng mga residente at matiyak na walang maiiwan pagdating sa kalusugan.

Hangad ng proyektong ito na magkakaroon ng mas malusog, mas ligtas, at mas matatag na komunidad, kung saan ang bawat mamamayan — bata man o matanda — ay may pantay na access sa serbisyong kailangan nila para sa maayos na kalusugan.

Samantala, ang ganitong aktibidad ay patunay na sa Dagupan, kalusugan ay prayoridad, at serbisyo ay para sa lahat.