Dagupan City – Nasunog ang bodega na imbakan ng Sugarcane Husk o pinigaang tubo sa Barangay Buneg sa bayan ng Pozorrubio.
Ayon kay SFO1 Ronnie Cruz, Chief Intelligence Unit ng BFP Pozorrubio na ang sunog na nangyari sa nasabing barangay ay itinuturing na structural fire na pangatlong kaso sa buong taon na nangyari sa bayan.
Pagbabahagi nito na nakatanggap sila ng tawag mula sa ilang concern citizen kung saan agad silang rumesponde para maapula ang sunog.
Nagpadala sila ng unang dalawang Fire Truck ngunit sa lakas ng apoy dahil sa bilis ng pagkalat nito dinagdagan nila ito at tumawag pa ng augmentation sa bayan ng Binalonan kung saan nasa kabuuang 4 na firetruck ang kanilang ginamit pero nakailang beses din silang bumalik para magrefill ng tubig.
Binanggit naman nito na tinatayang 500 square meter ang lawak ng nasunog sa lugar.
Sa kabutihang palad, agad na naagapan ang sunog kaya hindi naabot ng apoy ang mga makinarya sa paligid lalo na sa sugarcane mill malapit dito habang wala namang nasaktang residente o inbidwal sa lugar..
Batay sa imbestigasyon, aksidente ang itinuturong sanhi ng sunog kung saan pinaniniwalaang may nanigarilyo na nagtapon ng upos nito sa mga tuyong pinigaang tubo, na naging dahilan ng pag-apoy.
Kinausap din ng mga bumbero ang may-ari at caretaker ng lugar, kung saan tinatayang umaabot sa mahigit ₱20,000 ang pinsala dulot ng sunog.
Samantala, Patuloy naman ang kanilang pagbibigay ng paalala ang Pozorrubio Fire Station sa lahat ng residente gamit ang kanilang public address system.
Hinihikayat din nila ang publiko na iwasan ang pagsusunog ng basura, damo, o anumang bagay lalo na ngayong dry season, dahil mabilis itong kumalat at magdulot ng malaking sunog.










