Nauwi sa matinding karahasan ang dapat sana’y selebrasyon ng pagkapanalo ng Paris Saint-Germain (PSG) laban sa Arsenal sa Champions League final, na nag-iwan ng isang patay at daan-daang sugatan sa iba’t ibang panig ng France.

Sa eksklusibong impormasyon mula kay Vladelyte Valdez, Bombo International News Correspondent sa Paris, kinumpirma nitong umabot sa 219 katao ang nasugatan, habang isa ang nasawi at isa ang nasaksak sa gitna ng madugong sagupaan ng mga football fans at mga awtoridad.

Ayon sa ulat, naging talamak ang kaguluhan kung saan ang mga supporters ay nanunog ng mga ari-arian at nanira ng mga tindahan. Sinabi ni Interior Minister Laurent Nuñez na may kabuuang 780 indibidwal ang dinakip ng mga awtoridad sa Paris at iba pang bahagi ng bansa dahil sa mga violent disturbances. Sa panig ng pamahalaan, nasa 57 opisyal ng pulisya ang nagtamo ng mga sugat matapos tangkaing sugpuin ang isang maliit na mob na sinubukang pasukin ang isang Parisian police station.

--Ads--

Ipinaliwanag naman ni Valdez na ang ganitong uri ng karahasan sa pagitan ng mga fans ay tila nagiging rampant o laganap na sa mga nakalipas na taon, nanalo man o matalo ang kanilang koponan. Iniugnay rin niya ang uminit na tensyon sa nararanasang heat wave sa bansa, na posibleng nagdulot ng pagiging mainit ang ulo at labis na emosyon ng mga fans.

Mariing kinondena ng Pangulo ng France ang insidente at tinawag itong “unacceptable” o hindi katanggap-tanggap. Dahil dito, ayon kay Valdez, ang gobyerno ng France ay kasalukuyan nang bumubuo ng isang bagong batas na naglalayong pigilan ang muling pagsiklab ng ganitong uri ng marahas na riot sa hinaharap, na itinuturing na isa sa pinakamagulong kaganapan sa kasaysayan ng football sa bansa.

Sa kabila ng tensyon, tiniyak ni Valdez na humupa na ang kaguluhan at bumalik na sa kani-kanilang normal na routine ang mga mamamayan sa France.