Dagupan City – Tinawag ni Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, na maraming “missteps” ang naging simula ng pamumuno ni Senate President Alan Cayetano matapos nitong sabihin na “under attack” umano ang Senado nitong mga nakaraang araw.

Ayon kay Yusingco, hindi rin umano kinakailangan ang paggamit ni Cayetano ng “Pokemon” bilang halimbawa o simbolismo sa kanyang mga pahayag dahil seryosong usapin ang kinahaharap ng bansa.

Aniya, maituturing itong panloloko sa publiko at hindi magandang panimula para sa liderato sa Senado.

--Ads--

Kaugnay naman ng pagpapalit ng mga chairmanship sa iba’t ibang komite, sinabi ni Yusingco na hindi ito kinakailangang gawin agad o gawing automatic.

Dahil dapat din aniyang isaalang-alang ng Senado ang mas mahahalagang suliraning kinahaharap ng bansa.

Isa na nga rito aniya sa mga sensitibong sektor ang Department of Education kung saan hindi dapat madalas ang pagpapalit ng pamumuno sa komite upang mas mapagtuunan ng pansin ang mga isyu sa edukasyon.

Mas mabuti umanong panatilihin muna ang kasalukuyang chairmanship upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagtugon sa mga problema ng sektor.

Binanggit din ni Yusingco ang naging pagpapalit sa pamumuno ng Senate Blue Ribbon Committee na dating hawak ni Senador Ping Lacson at papalitan umano ni Senador Pia Cayetano.

Aniya, nagdudulot ito ng kalituhan lalo na kung paano haharapin ng komite ang mga isyung may kaugnayan sa umano’y political stunts.

Dagdag pa niya, may posibilidad umanong magamit ang komite para sa political interest at maaari rin itong magsilbing panakot laban sa mga kritiko.

Samantala, tungkol naman sa naging pahayag ni Cayetano na “pro-human rights” umano ang kampanya kontra droga, sinabi ni Yusingco na personal na opinyon lamang ito ng senador.

Dahil giit niya, malinaw umanong may mga naging paglabag sa karapatang pantao at may mga kaso ng pagpatay na naiuugnay sa war on drugs.