DAGUPAN CITY- Ikinatuwa ng mga OFW sa bansang Malaysia ang pagbisita ng Vice President sa nasabing bansa para sa kaniyang inihandang meet and greet.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Maria Corazon Anlap Nadura, Bombo International News Correspondent sa Malaysia, ibinahagi niya ang kaniyang naging karanasan sa pagdalo kasama ng mahigit kumulang 500 na katao sa isinagawang meet and greet event ni Vice President Sara Duterte sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Aniya, isang magandang pagkakataon para sa mga Pilipino sa Malaysia ang makita ng personal ang Bise Presidente.
Kapansin-pansin din ang pagiging mababa ang loob ng Pangalawang Pangulo sa kabila ng kanyang mataas na katungkulan.
Nagkaroon din ng maikling talakayan at question-and-answer session ang Bise Presidente kasama ang mga delegado at mga OFW.
Dagdag niya, isa sa mga bagay na ikinamangha ng bise ay ang kalinisan at kagandahan ng Malaysia, na kanyang pinuri sa harap ng mga dumalo.
Dagdag pa ni Nadura, ipinahayag ng Bise Presidente na bukas sila sa mga suhestiyon at hinaing ng mga Pilipino sa Malaysia, bagay na lubos na ikinatuwa ng mga dumalo.
Samantala, kasama rin sa nasabing meet and greet sina Senator Robin Padilla, Senator Imee Marcos, Atty. Jimmy Bondoc, at ilan pang opisyal.