DAGUPAN CITY- Hindi pa masabi ni Arlene James Pagaduan, Presidente ng Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT), na ganap nang nabawasan ang trabaho ng mga guro dahil sa bisa ng DepEd order No. 6 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniya, sa pagpasok pa lamang ng panibagong school year nila makikita kung aabot sa 57% ang naibawas na non-teaching workloads sa mga kaguruan.

Aniya, matitira lamang sa kanilang trabaho ay ang may kinalaman sa sakop ng kanilang trabaho, tulad enrollment list, report ng arawang attendance, progreso ng mga mag-aaral, at ang lesson plans.

--Ads--

Inaasahan nila na mapagtutuonan na ng mga guro ang kanilang pagtuturo at hindi na kinakailangan mag-uwi pa ng trabaho kapag ito ay tuluyan nang nagkabisa.

Kadalasan kase ay halos wala rin pahinga ang mga kaguruan at pagod na pumapasok dahil sa mga karagdagang trabaho.

Malaki rin ang epekto nito sa performance ng mga guro na may maidudulot rin na negatibong epekto sa pag-aaral ng mga estudyante.

Kaya umaasa sila sa panibagong school year ay tuluyan nang mawawala ang mga reports na walang kinalaman sa tunay na trabaho ng isang guro.

Saad pa ni Pagaduan, bukas sila sa mga hakbangin pa ng Department of Education (DepEd) sa mas mabigyan ginhawa ang kalagayan ng mga kaguruan.