Dagupan City – Ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng San Fabian, Pangasinan ang pagpapasara sa isang poultry farm sa Brgy. Palapad matapos ang matagal nang reklamo ng mga residente kaugnay ng matinding fly infestation at mabahong amoy sa lugar.
Ayon sa mga residente, matagal na nilang nararanasan ang pagdami ng langaw na nakaaapekto na umano sa kanilang kalusugan at pang-araw-araw na pamumuhay.
Ibinahagi ni Jojo Paspas, residente ng lugar, ang kanyang pasasalamat matapos umaksyon ang pamahalaan sa problemang matagal na nilang dinaranas sa barangay.
Samantala, sinabi naman ni Bella Galleto na lubos silang naapektuhan dahil malapit lamang ang kanilang bahay sa poultry farm.
Aniya, nahihirapan silang kumain at magluto dahil dinudumog ng mga langaw maging ang kanilang pagkain.
Sa kabila nito, napipilitan pa rin umano silang kainin ang pagkain dahil sa hirap ng buhay at mahal ng mga bilihin.
Dagdag pa nito, naaapektuhan na rin umano ang kanilang pahinga sa gabi dahil sa sitwasyon sa kanilang lugar.
Ayon naman kay Charis Jowen Cadelina, residente rin ng Brgy.
Palapad, mahigit sampung taon na umanong problema ng kanilang komunidad ang fly infestation.
Sinabi nito na nagsimula siyang magsampa ng reklamo noong Disyembre 2025 matapos umano masira ang pagdiriwang ng kanyang kaarawan dahil sa pagdami ng langaw sa kanilang lugar.
Ibinahagi rin nito na naranasan ng ilang residente ang pagkakasakit, kabilang ang umano’y pagkakaroon ng dehydration ng isang bata na iniuugnay nila sa matinding infestation sa lugar.
Nagpasalamat din siya sa lokal na pamahalaan, Municipal Health Office, barangay officials, at mga konsehal na umano’y tumulong upang maresolba ang kanilang reklamo.
Ayon naman kay Councilor Doc Mamerto Malanum, nagkaisa ang lokal na pamahalaan sa ilalim nina Mayor Marlyn Agbayani, Vice Mayor Constante Agbayani, at mga miyembro ng Sangguniang Bayan na ipasara ang poultry farm matapos ang serye ng imbestigasyon at paglabag umano sa mga napagkasunduang kondisyon.
Aniya, ilang beses umanong pinatawag ang operator ng poultry farm at nagkaroon pa ng public hearing at affidavit of undertaking bago ito pansamantalang pinayagang mag-operate.
Gayunpaman, sinabi nitong hindi umano natugunan ng operator ang mga napagkasunduang hakbang upang mabawasan ang fly infestation sa lugar.
Batay umano sa kanilang imbestigasyon, nilabag umano ng poultry farm ang ilang probisyon ng Presidential Decree 856 o Sanitation Code of the Philippines at Local Government Code, dahilan upang ipatupad ang closure para sa kapakanan at kalusugan ng mga residente.
Binigyang-diin naman ng konsehal na suportado ng lokal na pamahalaan ang mga negosyo at pamumuhunan sa bayan dahil nakatutulong ito sa ekonomiya at trabaho, ngunit hindi umano dapat isakripisyo ang kalusugan at kapakanan ng mamamayan.
Dagdag pa nito, posible pa ring makapag-operate ang negosyo kung maaayos nito ang mga kakulangan at makasusunod sa mga kinakailangang regulasyon, kabilang ang pagkontrol sa pagdami ng langaw at pangangalaga sa kalikasan at kalusugan ng komunidad.









