Dagupan City – Inaasahang magdudulot ng pagbaba sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz matapos ang napagkasunduang ceasefire sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Ayon kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos, dumaan sa tatlong buwang matinding epekto ng digmaan ang magkabilang panig bago naabot ang kasunduan para sa kapayapaan.
Sinabi ni Pascual na kabilang sa mga pangunahing usapin sa negosasyon ang pagsira sa lahat ng uranium na maaaring magamit sa nuclear program at ang pagbuo ng kasunduan kaugnay ng toll fees para sa muling pagbubukas ng mahalagang shipping route sa Strait of Hormuz.
Dagdag pa niya, dapat na maging bukas ang Strait of Hormuz para sa lahat ng mga sasakyang-pandagat upang maibalik ang normal na daloy ng kalakalan at transportasyon ng langis sa rehiyon.
Bahagi rin umano ng peace deal ang posibilidad ng pagsuspinde sa ilang sanctions laban sa Iran.
Kaugnay nito, tinatayang aabot sa 200 bilyong dolyar ang kinakailangang pondo para sa reconstruction plan.
Sa kabila ng kasunduan, iginiit ni Pascual na mahalagang matiyak na hindi na mauuwi sa diktadurya ang pamahalaan ng Iran upang mapanatili ang pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Matapos maisakatuparan ang peace deal, agad na naitala ang pagbaba ng presyo ng langis kada bariles, isang positibong senyales para sa pandaigdigang ekonomiya.
Samantala, hinggil sa pahayag ni Trump tungkol sa inflation, nilinaw ni Pascual na ang pangunahing layunin ng mga negosasyon ay pababain ang presyo ng krudo, na inaasahang makatutulong upang mabawasan din ang pressure sa inflation sa iba’t ibang bansa.










