Dagupan City – Inaasahang magiging “politically devastating” para sa pamilya Duterte ang pag-usad ng kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte o FPRRD sa prosecution stage ng mga testigo kaugnay ng kinakaharap nitong kaso sa International Criminal Court (ICC).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera – Constitutional Law Expert/ Litigation Lawyer, kinakailangang magsumite ng depensa ang akusado, at kung mabibigo itong makapaglahad ng sapat na ebidensya ay maaari itong humantong sa pagkakakulong.

Ipinaliwanag din ni Cera na posibleng hindi na personal na katawanin ng kasalukuyang abogado si FPRRD kung may iba nang nais iharap na presentasyon o estratehiya para sa kaniyang depensa.

--Ads--

Dagdag pa niya, may ilang legal remedies na maaaring subukan ngunit kadalasan umano ay hindi nagiging matagumpay.

Aniya, kabilang na nga rito ang naging apela hinggil sa hurisdiksyon ng ICC sa kaso ni Duterte na inaasahang hindi rin papabor sa kampo nito.

Kapag tuluyan namang naibasura ang naturang apela, dederetso na umano ang kaso sa witness prosecution phase.

Tinawag naman ni Cera na “politically devastating” ang maaaring epekto nito sa panig ng mga Duterte, lalo na’t kasabay nito ang impeachment case na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte.

Para naman umano sa mga biktima ng extrajudicial killings o EJK, magkakaroon ito ng “cathartic effect” dahil nailalabas nila ang kanilang sama ng loob at hinaing.

Aniya, hindi inakala ng marami na darating sa puntong mismong mga biktima at maging ilang umano’y “killers” ang magtuturo sa posibleng pagkakasangkot ng Malacañang o ng polisiya ng gobyerno sa isyu ng EJK.