Inaasahan ng Alliance United Transport Organization Provincewide (AUTOPRO) Pangasinan ang malaking rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na linggo.

Ayon kay AUTOPRO President Bernard Tuliao, inaasahan nilang babalik sa mas normal na antas ang presyo ng langis kasunod ng pag-abot umano sa kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, gayundin ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz na isa sa mga pangunahing dinadaanan ng suplay ng langis sa mundo.

Sinabi ni Tuliao na malaking ginhawa ito para sa mga drayber at operator na matagal nang nahaharap sa mataas na presyo ng krudo. Aniya, hindi na magiging mabigat para sa sektor ng transportasyon kung magkakaroon ng rollback na aabot sa sampung piso kada litro o kung bababa sa halos P60 kada litro ang presyo ng diesel at iba pang produktong petrolyo.

--Ads--

Dahil dito, umaasa rin ang AUTOPRO na mapagbibigyan ng mga kinauukulan ang kanilang kahilingan na dagdag na isang piso sa minimum na pasahe upang makatulong sa kabuhayan ng mga tsuper at operator.

Patuloy namang binabantayan ng transport group ang galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at ang magiging epekto nito sa industriya ng pampublikong transportasyon sa bansa.