Dagupan City – Inihayag ng LGU Manaoag na inaasahang aabot sa isang milyong tao ang darating sa bayan para sa ika-100 taong anibersaryo o centennial canonical coronation ng Our Lady of the Holy Rosary of Manaoag na gaganapin sa Abril 22, 2026.

Ayon kay Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, ngayong tapos na ang semana santa, tuloy-tuloy na ang kanilang pagpupulong kasama ang iba’t ibang task force para paghandaan ang malaking kaganapan.

Mamaya ay magkakaroon ng press briefing sa mangyayaring makasaysayang event na dadaluhan ng mga ibat ibang opisyal upang mapag-usapan ang daloy ng seremonya.

--Ads--

Aniya na ang mga pangunahing hamon na kanilang nakikita ay ang trapiko, paradahan, seguridad, at kalusugan ng mga deboto o bisita.

Binigyang-diin din niya na inaasahang magiging mainit ang panahon sa kaganapan kaya prayoridad nila ang kalusugan ng publiko kaya pinayuhan ang mga nasa vulnerable sector na manood na lamang sa live broadcast sa social media para hindi na makipagsiksikan.

Aniya na magsisimula ang seremonya ng alas-9 ng umaga at matatapos bago mag-12 ng tanghali ngunit magkakaroon ng parada o prosesyon ng alas 4 ng hapon habang suot na ng imahen ang bago nitong korona.

Sa kabilang banda, inaasahang dadalo rin sa kaganapan ang mga matataas na opisyal ng bansa kabilang na ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Vice President Sara Duterte , mga senador, provincial officials, kongresista, at lahat ng mga alkalde ng Pangasinan maging ang ilang mga pari at obispo ng simbahang Katoliko.

Samantala, dahil sa Krisis na nararanasan ngayon sa langis napansin ng alkalde na medyo bumaba ang dami ng mga sasakyan sa mga nakaraang araw, posibleng dahil sa carpooling o paggamit ng pampublikong sasakyan ngunit nakita naman niya na madami parin ang mga tao na pumupunta sa simbahan.

Para naman sa seguridad, buong pwersa ng kapulisan at Philippine Army ang nakahandang tumulong kung saan aabot sa mahigit 400 ang mga tauhan ang ipapakalat sa mga estratehikong lugar para tiyakin ang kaligtasan ng lahat.

Inayos na din ang maaring parking area ng mga bisita at plano din nilang ipatupad ang truck ban lima araw bago ang kaganapan para sanayin ang mga motorista at bigyan sila ng oras na humanap ng alternatibong ruta para hindi magkaproblema sa mismong araw ng koronasyon.