Dagupan City – Nasawi ang suspek matapos makipagbarilan sa mga awtoridad sa nangyaring pamamaril sa isang zumba instructor sa bayan ng Villasis.

Naganap ang pamamaril sa mismong Villasis Auditorium kahapon ng gabi Mayo 25.

Kinilala ang suspek bilang isang 33-anyos na lalaki, magsasaka at residente ng Barangay Piaz, habang ang biktima nito ay isang 42-anyos na kinilalang si alyas “Mokong”, isang kilalang Zumba Instructor sa nasabing bayan.

--Ads--

Ayon kay Michael Jordan, isa sa mga nakasaksi sa pangyayari na nakarinig umano siya ng sunod-sunod na putok malapit sa Auditorium.

Tinukoy niya na naging mabilis ang pangyayari kung saan nakita niya ang suspek na may hawak na baril habang tinutugis at binabaril ang biktima.

Saad niya na mula sa auditorium, tumakbo ang biktima habang hinahabol at patuloy na pinaputukan ng suspek hanggang sa makarating sila sa labas, malapit sa simbahan at sa bilihan ng mga pasubong na tupig.

Dahil sa kaguluhan, agad na rumesponde ang mga tauhan ng Villasis PNP.

Subalit sa halip na sumuko nang payapa, lumaban at gumanti pa ng putok ang suspek sa mga awtoridad na naging dahilan ng pagganti rin ng mga pulis kaya napatay ang suspek .

Ito umano ang kauna-unahang pagkakataon na nakaranas sila ng ganitong matinding insidente sa kanilang lugar.

Labis na natakot at nataranta ang mga taong naroroon, lalo na’t nakita nilang walang takot ang suspek na magpaputok kahit maraming sibilyan sa paligid.

Sa kabila ng takot, ipinagpasalamat niya na walang ibang sibilyan ang napinsala o natamaan sa gitna ng barilan.

Ibinahagi rin niya ang kanyang pasasalamat sa mabilis na pagkilos ng kapulisan na agad na natapos ang gulo.

Dahil sa engkwento nagtamo ng ilang tama ng bala ang suspek at agad itong isinugod sa pinakamalapit na ospital, subalit idineklarang Dead on Arrival ng mga doktor.

Nakuha at nakumpiska sa nasabing suspek ang isang .45 Caliber pistol na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Ayon kay Kap. Jesus Franco Sison Jr. ng Barangay Poblacion Zone 1 na agad naman silang tumugon sa pangyayari.

Pagbabahagi niya na nasa stable nang kalagayan si alyas “mokong” na nagtamo ng 5 tama ng bala sa katawan kung kasalukuyang hinahanapan ng donor ng dugo.

Saad niya na hindi pa matukoy kung may alitan o kung ano ang sanhi at motibo sa nasabing krimen.

Sa kabilang banda, hindi na nagbigay ng pahayag ang kapulisan tungkol sa pangyayari alinsunod sa hiling ng pamilya ng nasawing suspek.