Mas pinaigting pa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa ilalim ng administrasyon ni Governor Ramon Guico III ang pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan upang matiyak ang libre at mas madaling akses sa serbisyong medikal para sa lahat ng Pangasinense.

Isa sa mga pangunahing prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang pagbibigay ng dekalidad at abot-kayang healthcare, partikular sa mga mahihirap at nasa malalayong komunidad.

Ayon kay Governor Guico, nakatuon ang kanilang pamahalaan sa pagbibigay ng libreng pagpapagamot sa mga provincial hospitals ng lalawigan.

--Ads--

Binigyang-diin din nito na ang kalusugan ng mamamayan ang pangunahing puhunan ng pamahalaan.

Para sa taong 2026, naglaan ang lalawigan ng humigit-kumulang ₱1.6 bilyon, o katumbas ng 20 porsyento ng kabuuang ₱8.3 bilyong taunang badyet, para sa healthcare services. Inaasahan ding madaragdagan ito ng tinatayang ₱1.5 bilyon mula sa PhilHealth reimbursements, dahilan upang umabot sa halos ₱3.1 bilyon ang kabuuang pondong ilalaan sa sektor ng kalusugan.

Kabilang sa mga bagong hakbang ng administrasyon ang pakikipag-ugnayan sa mga pribadong birthing facilities upang mapalawak ang access sa ligtas na panganganak at agarang referral sa mga provincial hospitals kung kinakailangan.

Ayon naman kay Vice Governor Mark Lambino, mahalaga ang partnership na ito upang mas mapalapit ang serbisyong medikal sa mga mamamayan, lalo na sa mga buntis na nangangailangan ng agarang atensyon.

Sa ilalim ng nasabing kasunduan, awtomatikong magkakaroon ng access ang mga pasyente sa ambulance services, emergency referrals, professional medical care, PhilHealth benefits, at iba pang suportang pangkalusugan mula sa pamahalaan.

Bukod dito, tuloy-tuloy rin ang modernisasyon ng mga pasilidad pangkalusugan sa lalawigan.

Kabilang dito ang pagtatayo ng Lingayen District Hospital, Bolinao Community Hospital, at isang multi-specialty hospital sa Binalonan.

Nagsimula na rin ang operasyon ng Umingan Super Community Hospital, habang puspusan naman ang konstruksyon ng Alcala Super Community Hospital.

Patuloy rin ang pagbili ng makabagong kagamitang medikal tulad ng X-ray, ultrasound, CT-scan, at kauna-unahang MRI machine ng lalawigan na kasalukuyang ginagamit sa Pangasinan Provincial Hospital sa San Carlos City, kung saan libre itong maaaring ma-avail ng mga indigent patients.

Pinalalawak din ng probinsya ang mga dialysis centers at patuloy na nangunguna sa implementasyon ng mga programang PhilHealth Konsulta, YAKAP, at GAMOT.