Dagupan City – Nagbigay karangalan sa bayan ng Mangaldan si Giovani Gabico matapos nitong masungkit ang gintong medalya sa Junior Intellectual Disability (ID) Boys Shotput category sa ginanap na Para Games competition.
Ayon kay Gabico, ito ang kauna-unahang pagkakataon niyang sumali sa naturang kompetisyon kaya hindi niya maitago ang labis na kasiyahan matapos maiuwi ang gold medal.
Si Gabico ay tubong Barangay Bateng, Mangaldan.
Samantala, ibinahagi naman ni Coach Rogelio Cayabyab na ito rin ang kaniyang unang pagkakataon na magsilbing coach sa isang pambansang palaro.
Ayon sa kaniya, hindi naging madali ang pinagdaanan ng kaniyang estudyante bago marating ang national competition.
Dumaan umano ito sa matinding pagsasanay mula division level, regional meet, hanggang sa tuluyang makapasok sa pambansang kompetisyon.
Isa rin aniya sa kanilang kinaharap na hamon ang kakulangan sa oras dahil kinakailangan pa ring tutukan ng mga atleta ang kanilang pag-aaral kasabay ng pagsasanay.
Sa kabila nito, patuloy umano silang nagsisikap upang maabot ang mga pangarap ng mga mag-aaral at mas mapaunlad pa ang kanilang kakayahan sa larangan ng palakasan.










