Kinuwestiyon ng minority bloc ang umano’y “rushed” na proseso ng pag-amyenda sa Senate rules.
“We strongly condemn what appears to be an attempt to rush a major change in the Senate Rules, especially when several members of the minority still wanted to speak and raise serious questions on the floor,” ayon sa kanilang joint statement.
Kasunod ito ng pag-walkout ang minority bloc nitong Martes, Mayo 26, matapos ang mainit na talakayan tungkol sa pag-amyenda sa Senate rules na magpapahintulot sa mga senador na dumalo at bumoto sa plenaryo sa pamamagitan ng online o remote participation.
“We walked out because what happened on the floor looked less like orderly deliberation. The proposed rule change affects how senators may attend sessions, participate in proceedings and exercise their mandate through remote means, and such a measure should be opened to healthy public debate instead of being rushed by the tyranny of the majority.”
Ang panukala ay inihain ni Senador Rodante Marcoleta noong Mayo 11, na layuning payagan ang “justifiable” na remote attendance ng mga miyembro ng Senado.
Ayon sa minority bloc, minamadali umano ang proseso ng pag-amyenda sa rules at hindi nabibigyan ng sapat na pagkakataon ang lahat ng senador na magpahayag ng kanilang opinyon.
Sa kanilang pahayag na ibinahagi sa social media ni Sen. Kiko Pangilinan, iginiit nilang dapat itong isailalim sa mas malawak na talakayan at hindi dapat ipatupad ng mabilis.
“Minamadali ba ang rule change na ito dahil gusto nilang maka boto si Senator Bato? At ngayong may mga ulat na may mga majority senators na maaaring arestuhin?,” tanong ng Minorya sa kanilang pahayag.
Pinanindigan ng Minorya na tila may “railroading” o pagmamadali sa proseso, at nagbabala na maaaring maapektuhan ang patas na paglahok ng mga senador sa paggawa ng batas.
Dahil sa pag-walkout, nabigo ang plenaryo na makabuo ng quorum kaya hindi na nasunod ang panukala. Kalaunan, inadjourn ang sesyon at itutuloy muli sa Hunyo 1.










