Malapit nang matapos ang konstruksyon ng bagong pampublikong palengke sa bayan ng Manaoag kung saan umaabot na ito sa kasalukuyang 90 hanggang 94 porsyentong kumpleto na.

Gayunpaman, hindi pa ito maaaring buksan dahil sa mga kinakailangang dokumento at pag-apruba ng mga kasunduan lalo na sa pagpapaupa.

Ayon kay Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na naghihintay na lamang sila sa ngayon sa pag-apruba ng Sangguniang Panlalawigan sa Revenue Code ng bayan, na kinabibilangan ng mga kasunduan sa pag-upa ng mga pwesto.

--Ads--

Ito ay mahalaga dahil lahat ng puwesto sa bagong palengke ay itinakda bilang permanenteng pwesto para sa mga vendors.

Bagama’t may mga nilalakad pa silang dokumento at nagpapatuloy ang konstruksyon, inaasahan na sa pagdating na buwan ng Hulyo ay magiging malinaw na ang hubog ng palengke at makikita na ang mas malaking progreso ng proyekto.

Pagbabahagi nito na hindi na din aniya makapag-antay ang mga vendors na makapaglipat at makapagsimula ng kanilang mga negosyo sa bagong pasilidad.

Karamihan na kasi sa mga bahagi ng palengke ay natatapos na, ngunit kailangan pang tapusin ang mga kalsadang nakapalibot o perimeter roads nito, pati rin ang pagsesemento sa kalsada malapit sa palengke para sa malawak na espasyo.

Sa kaliwang bahagi ng pasilidad ay nakaplanong ilagay ang mga estasyon ng mga pampasaherong traysikel para magkaroon sila ng tiyak na lugar at mas mapadali ang paglalakbay ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang barangay.

Binanggit din ng alkalde na kasalukuyan pa rin na nakapwesto ang ilang vendors sa ipinahiram na lugar pansamantala para sa kanila.

Umaasa silang sa Hulyo, Agosto, o mas maaga pa ay magagamit o mabubuksan na ang bagong palengke para sa publiko.