Tuloy-tuloy ang paghahanda ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO ng Santa Barbara, Pangasinan, upang matugunan ang mga aksidente at iba pang emergency na maaaring mangyari sa kanilang nasasakupan.
Tiniyak ni Raymondo Tamayo Santos, MDRRMO Municipal Head, na bukas ang kanilang rescue services dalawampu’t apat na oras kada araw, pitong araw sa isang linggo, maging tuwing Pasko at Bagong Taon.
Kabilang sa mga karaniwang natatanggap nilang emergency calls ang mga insidente ng vehicular accident, mga taong nangangailangan ng tulong dahil sa pagkalasing, at mga pasyenteng nakararanas ng atake sa puso at high blood pressure.
Ayon kay Santos, may tagubilin sa kanilang emergency response team na makaalis sa himpilan sa loob ng tatlong minuto matapos matanggap ang isang emergency call.
Gayunman, may mga pagkakataong nahuhuli ang pagdating ng rescue team dahil hindi agad naipapaalam sa kanilang tanggapan ang naganap na insidente.
Dahil dito, nanawagan ang opisyal sa publiko na sa halip na mag-usisa o makipagkuwentuhan muna tungkol sa isang aksidente, mas makabubuting agad na tumawag sa kanilang hotline upang mas mabilis silang makaresponde.
Muling pinaalalahanan ng MDRRMO Santa Barbara ang publiko na huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa oras ng emergency.
Mahalaga ring ibigay agad ang impormasyon tungkol sa lugar at pangyayari upang hindi maantala ang pagresponde ng rescue team.
Kasabay nito, hinihikayat ang mga residente na makipagtulungan sa mga awtoridad at sundin ang kanilang mga paalala upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.










