Inaasahang magiging sentro ng pagdiriwang ng Pasko sa bayan ng Manaoag ngayong taon ang ipinagmamalaki nitong industriya ng sampaguita, kasabay ng nakatakdang Grand Lighting Ceremony ng “PaskONE 2026” sa darating na Martes, Disyembre 1.

Matatandaan na noong nakaraang taon ang naging tema ng kanilang kapaskuhan ay PaskONE: Christmas of ONEders na tampok ang Carnival.

​Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Manaoag Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” Rosario, ibinahagi nito na hango sa malawak na taniman ng sampaguita sa isa nilang barangay ang magiging tema ng kanilang mga dekorasyon ngayong taon.

--Ads--

Ito ay bilang pagkilala sa pangunahing kabuhayan ng maraming residente lalo na sa pagbebenta nito sa paligid ng Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag kung saan ididisenyo ang mga bulaklak ng sampaguita sa mga parol na magpapailaw sa bayan.

​Bukod sa mga parol, ipinagmalaki rin ng alkalde ang pag-usbong ng iba pang produkto mula rito gaya ng sampaguita ice cream, na patunay umano sa malaking tulong ng naturang bulaklak sa lokal na ekonomiya.

​Ayon kay Mayor Rosario, pinili nilang itakda ang pagpapailaw sa gabi ng Disyembre 1 upang maiwasan ang matinding dagsa ng mga deboto at turista tuwing araw ng Linggo, gayundin ang pagdiriwang ng Bonifacio Day sa Nobyembre 30.

Samantala, ​inaasahang dadalo sa seremonya sina Pangasinan Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III at 4th District Representative Manay Gina De Venicia at iba pang mga opisyal ng lalawigan.

​Maliban sa makukulay na ilaw, magkakaroon din ng iba’t ibang pagtatanghal at aktibidad tuwing weekend sa buong buwan ng Disyembre upang maghatid ng saya sa mga residente at bisita.