Nakipaglaro ng tennis si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Filipino tennis star na si Alex Eala sa isinagawang homecoming celebration nito sa Pasig City nitong Martes, Nobyembre 24.
Sa ceremonial tennis rally, ilang beses na nabigong maibalik ng pangulo ang mga unang serve ni Eala dahil tumama ang bola sa net. Gayunman, nagpatuloy si Marcos sa pagsubok hanggang sa nakabuo ang dalawa ng maikling palitan ng palo.
Sa kanyang mensahe, pinuri ni Marcos si Eala dahil sa mga tagumpay nito sa international tennis, na aniya ay nagbibigay-inspirasyon sa mga Pilipino at nagpapaalala sa kakayahan ng mga atletang Pinoy na makipagsabayan sa buong mundo.
Ipinayo rin ng pangulo kay Eala na pangalagaan ang kanyang mga tuhod at iwasang maglaro habang may nararamdamang pananakit upang hindi mauwi sa permanenteng injury.
Hinimok din ni Marcos ang mga kabataan na maglaan ng hindi bababa sa dalawang oras kada linggo sa paglalaro ng sports, dahil nakatutulong ito sa paghubog ng disiplina, pakikipagkaibigan at pagiging marangal sa panalo man o pagkatalo.
Samantala, umabot na sa world number 15 si Eala sa Women’s Tennis Association rankings, ang pinakamataas na puwestong naabot ng isang Pilipina sa kanyang karera. Nagsagawa rin siya ng tennis clinic para sa mga kabataan bilang bahagi ng programa sa pagpapalawak ng sports development sa bansa.










