Bilang paghahanda sa paggunita sa Bonifacio Day sa Lunes, Nobyembre 30, tinalakay sa programa ng Bombo Radyo Dagupan ang buhay, pakikibaka, at pamana ni Andres Bonifacio kasama ang kilalang historian na si Prof. Michael Charleston “Xiao” Chua.

Ayon kay Prof. Chua, si Bonifacio ang may pinakamalaking papel sa pagbuo ng Pilipinas bilang isang bansa. Aniya, kung si Dr. Jose Rizal ay itinuturing na pambansang bayani, si Bonifacio naman ay tinawag nina Dr. Milagros Guerrero at iba pang historian bilang “Ama ng Sambayanang Pilipino” at “Ama ng Himagsikang Pilipino” bilang tagapagtatag ng Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK).

Binigyang-diin ni Chua na kakaiba si Bonifacio sa ibang bayani dahil sa kanyang “single-minded” na paninindigan — ang magkaroon ng isang malayang bansa na ang pamahalaan ay nakabatay sa kabutihang-loob at pag-ibig sa bayan.

--Ads--

“Ang gusto ni Andres Bonifacio, ‘yong himagsikan na nanggagaling sa kalooban. Galing sa kalooban ng bayan… Guminhawa ang Pilipinas batay sa kabutihang-loob. ‘Yon ang tunay na kalayaan,” paliwanag ni Chua.

Aniya, hindi naunawaan ng marami ang bisyong ito kaya siya pinatay — dahil para sa iba, ang rebolusyon ay pagpapalit lamang ng pinuno, habang para kay Bonifacio ay pagbabago mula sa loob ng bayan.

Isa sa mga kontrobersiyang tinalakay ay kung si Bonifacio ba ang unang pangulo ng Pilipinas. Ayon kay Chua, batay sa kanyang pananaliksik at ng iba pang historian, malinaw na mula Agosto 24, 1896 ay namuno si Bonifacio sa isang rebolusyonaryong pamahalaan matapos mag-transition ang Katipunan mula sa isang organisasyon tungo sa isang pamahalaang mapaghimagsik.

Pinabulaanan din niya ang paniniwalang “alsa-balutan” si Bonifacio nang pumunta sa Cavite. Aniya, may iniwan itong pamahalaan sa Pantayanin, sa boundary ng Pasig at Antipolo, na may hurisdiksyon sa ilang lugar.

Ibinahagi rin ni Chua na si Bonifacio ay isang ordinaryong Pilipino — working class, ngunit hindi lubos na mahirap. Nagtrabaho siya sa dalawang international company at may negosyo ang kanyang pamilya, kabilang ang pagbebenta ng mga baston at de-kalidad na produkto.

Ang nagpalaya aniya sa kanyang kaisipan ay ang pagbabasa — mga aklat tungkol sa Rebolusyong Pranses, Rebolusyong Amerikano, mga pangulo ng Amerika, at mga akda nina Victor Hugo at iba pa. Doon niya natutunan na posible palang lumaya ang isang bansa, at doon niya itinaguyod ang separatistang layunin ng Katipunan: ang humiwalay sa Espanya.

Pagdating sa edukasyon, nilinaw ni Chua na hindi natapos ni Bonifacio ang pormal na pag-aaral at may tutor siya mula Cebu sa Tondo, ngunit hindi siya “hindi edukado.” Sa katunayan, siya ang naging guro ni Emilio Jacinto sa wikang Tagalog — at kalaunan ay nahigitan pa siya ng kanyang estudyante.

Tinalakay din ang love life ni Bonifacio. Una siyang ikinasal kay Monica na taga-Parmar, Tondo, na namatay sa ketong. Pagkatapos ay pinakasalan niya si Gregoria de Jesus, na noon ay 18 taong gulang pa lamang at nakilala bilang “Lakambini ng Katipunan.”

Si Gregoria ay hindi lamang asawa kundi katuwang ni Bonifacio sa pamumuno, pag-oorganisa, at maging sa paghawak ng sandata laban sa mga Espanyol. Nagkaroon sila ng dalawang anak — ang isa ay namatay sa sakit at ang isa ay nalaglag.

Binanggit ni Chua ang pahayag ni Oriang na si Bonifacio ay “masarap magmahal,” na aniya ay patunay na sa kabila ng pagiging bayani ay marunong din siyang umibig at magmahal tulad ng ordinaryong tao.

Sa pagtatapos ng panayam, hinikayat ni Chua ang publiko na magbasa tungkol kay Bonifacio at panoorin ang kanyang documentary sa National Historical Commission of the Philippines na mapapanood sa YouTube, gayundin ang mga bagong aklat at biography na nagwawasto sa mga dating maling impormasyon tungkol sa bayani.

Nagpaalala rin siya ng aral mula sa “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” ni Bonifacio: “Ampunin ng bayan kung nasaan ay lunas. Pagkaginhawa niya ay ginhawa ng lahat… Kapag pinapili tayo, bayan o sarili, piliin mo ‘yong bayan mo sapagkat ‘pag pinili mo ‘yong bayan mo at guminhawa siya, pinili mo na rin ‘yong sarili mo.”

Samantala, magkakaroon ng mga aktibidad sa Nobyembre 30 sa mga monumento ni Bonifacio sa San Juan (Pinaglabanan), Caloocan, at Maynila, kabilang ang pag-aalay ng bulaklak. Sa San Juan, pangungunahan ito ni Mayor Francis Zamora.

Ibinahagi rin ni Chua na siya ang consultant ng paparating na pelikula tungkol kay Emilio Jacinto na nakatakdang ipalabas sa unang linggo ng Disyembre, na pagbibidahan nina Alden Richards bilang Jose Rizal at iba pang artista, at hinikayat ang publiko na suportahan ang mga makasaysayan at makabuluhang pelikula para sa kabataan.

Ang Nobyembre 30 ay idineklarang holiday sa buong bansa bilang paggunita sa kapanganakan ni Bonifacio noong Nobyembre 30, 1863 sa Tondo, Maynila, anak nina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro. Itinatag niya ang Katipunan noong Hulyo 7, 1892, at pinaslang siya noong Mayo 10, 1897 sa Maragondon, Cavite.