Lumampas na sa 100 porsiyento ang bed occupancy rate ng Region 1 Medical Center (R1MC) sa Dagupan City, kasunod ng patuloy na pagdami ng mga pasyenteng tinatanggap nito bilang pangunahing referral hospital sa rehiyon.

Ayon kay Dr. Marvin C. Callanta, Officer-in-Charge at Medical Center Chief ng R1MC, mandato ng ospital na magkaroon ng 600-bed capacity, na unti-unti nang naisasakatuparan sa tulong ng mga nakaraang administrasyon at suporta ng mga kongresista sa Pangasinan.

May umiiral na batas para sa pagpapalawak ng kapasidad ng ospital hanggang 1,500 beds, subalit nananatiling hamon ang kakulangan ng espasyo at ang hindi pa natatapos na gusali na kailangan upang maisakatuparan ang naturang pagpapalawak.

--Ads--

Ayon kay Callanta, prayoridad ngayon ang pagkumpleto ng gusali upang madagdagan ang kapasidad ng ospital, kasabay ng pangangailangan sa karagdagang medical personnel, nurses, doctors, administrative staff, kagamitan at iba pang serbisyong kailangan sa operasyon.

Sa kabila ng limitadong kapasidad, patuloy na tumatanggap ang R1MC ng mga pasyenteng nire-refer mula sa maliliit at malalaking ospital, kabilang ang mga pribadong institusyon, lalo na ang mga nangangailangan ng karagdagang tulong at serbisyong medikal.

Dahil sa patuloy na pagdami ng admissions, inaasahang maaaring umabot sa 700 ang mga pasyenteng kailangang matugunan ng ospital, kaya naghahanda na rin ito sa posibleng pagdagsa ng mga pasyente, partikular sa panahon ng malamig na panahon.

Nakapag-order na rin ang ospital ng karagdagang cot beds bilang contingency measure upang matugunan ang pangangailangan ng mga pasyente sa gitna ng kakulangan ng bed space.

Ipinaliwanag ni Callanta na ang 85 porsiyentong bed occupancy rate ang itinakdang trigger para sa pagpapalawak ng kapasidad at paglalaan ng karagdagang pondo sa ospital, kabilang ang pangangailangan sa pasilidad, manpower at kagamitan.

Sa kabila ng mga hamon sa kapasidad at espasyo, tiniyak ng pamunuan ng R1MC na patuloy nitong tutugunan ang mga pasyenteng nangangailangan ng serbisyong medikal, lalo na dahil nagsisilbi itong huling referral hospital para sa maraming kaso sa rehiyon.